Pahalik sa Itim na Nazareno, sinimulan na

DAGSA na sa Quirino Grandstand ang mga deboto ng Itim na Nazareno para sa tradisyunal na ‘pahalik’ sa santo na sinimulan na kaninang madaling-araw.

Nabatid na 8:00 pa lamang ng gabi ng Sabado ay marami nang deboto ang nakapila sa Quirino Grandstand at naghihintay para sa pahalik na binuksan ng mga organizer dakong 1:00 ng madaling-araw.

Sa tradisyunal na pahalik, ang mga deboto ay binibigyan ng pagkakataon na isa-isang makalapit sa Itim na Nazareno upang makahalik at mapunasan ito ng panyo, sa paniwalang may hatid itong milagro.

Sinamantala naman ng ilang tindero at negosyante ang pagkakataon upang kumita at nagtinda ng mga pagkain at souvenir items ng mapaghimalang poon.

Ang imahe ay mananatili sa Quirino Grandstand hanggang bukas at ibabalik din sa Quiapo church, sa pamamagitan ng tradisyunal na prusisyon.

Mahigit walong milyong deboto ang inaasahang sasama sa prusisyon na kadalasan nang inaabot ng gabi bago makaabot sa simbahan.

Nakatakda namang magpatupad ng mahigpit na seguridad ang mga awtoridad sa pagdarausan ng prusisyon upang matiyak na magiging ligtas ang mga lalahok sa prusisyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply