Palpak na mga BFP hose dapat imbestigahan ng DILG

NABUKING matapos pumalpak ang imported na  hose ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa National Capital Region (NCR) nang biglang matanggal ito sa mismong coupling nito sa isinasagawang fire drill ng Taguig BFP sa Saint Lukes Medical Center Global City (SLMCGC) noong December.

Napag-alaman na marami ang nasaktan kabilang  si Fire Truck pumper operator Agapito Cruz.

Ang nakatatakot dito ay nang matanggal at tumalsik ang hose  mula sa coupling nito na nakakabit sa fire truck  sa kabila ng 120 psi water pressure lamang ang ibinuga ng fire truck dahil sa fire drill nga lamang ang aktibidad.

Ewan natin kung nagkaroon na naman ng ‘hokus-pokus’ sa bilihan kaya hayun palpak na naman.

Mantakin ninyo, ang imported fire hose specification ng BFP ay aabot sa maximum pressure nito na 400 psi ang kaya ng isang fire hose.

Ang tanong bakit nasira ang fire hose na ginamit sa fire drill?

Bakit  mukhang hindi yata  inimbestigahan ng BFP-NCR at BFPHQ ang nasabing pangyayari?

Magkano ang napagkayarihan, este, ano na ang nangyari?

Ang nakapagtataka rito, sa loob lamang ng 1 and 1/2 years ay dalawang beses nang nagkaroon ng fire hose supplies ang BFPNCR base na rin sa record na nakuha natin.

Sa records ng BFP, parehong supplies ang galing umano sa 911 Alarm Inc. na nagsusuplay din ng iba pang fire equipments.

Nagkakaisa ang mga bumbero sa gusto nilang personal na pag-iimbestiga  rito ni DILG Sec. Jesse Robredo upang masiguro na walang kabalbalang magaganap sa fire equipment procurements at totohanang maalagaan ang kapakanan ng mga bumbero ng  bayan.

Libo-libong bumbero ang nagrereklamo sa mga palpak na procurement ng  gaya ng self-contained breathing apparatus, apparel, boots at iba pang mga kagamitan ang halos mga dispalinghado.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply