Pantawid pamilya ni PNoy binaboy sa Castillejos Zambales, 2 patay

KAMATAYAN, sa halip na kabuhayan, ang hinihinalang dulot ng Pantawid Pamilya Program ni Pangulong Noynoy Aquino sa 68 taong gulang na dukha sa Brgy. Balaybay, Castillejos, Zambales dahil sa umano’y anomalya ng ilang opisyal doon.

At tila naghahamon pa bilang patunay na walang kinatatakutang batas ang mga sigang kulelat sa naturang barangay, isa pang bangkay ang natagpuan wala pang 72 oras matapos makita ang inaagnas na bangkay ni Gaudencio Trilles, 68, sa nililinisang lote sa bukid nitong ika-2 ng Enero, 2012.

Ang ikalawang bangkay ay kinilalang si Rolando Frilles, na natagpuang duguan sa loob naman ng binabantayang bahay ng kapatid nito sa Brgy. Balaybay.

Ito Ang Totoo: si Gaudencio Trilles ay may reklamo laban kay Balaybay Barangay Chairman Arturo Manzano at mga barangay kagawad Paquito Costales at Elpidio Saldivar dahil sa ayaw bayaran nang buo ng naturang mga opisyal ng barangay ang may 12 araw na tinrabaho ni Trilles noon pang Setyembre 2011 sa ilalim ng Pantawid Pamilya Program ni Pangulong Aquino.

Sa halip na P3,112, nais umano ng mga opisyal ng barangay na P1,000 na lamang ang bayaran kay Trilles at sa 13 kataong iba pa. Katwiran ng mga kumag, marami raw silang taong pinagtrabaho kaya hati-hati na lang sa pondo. Kung hindi ba mga bobo ay talagang sukdulang gago ang mga ito dahil binabago ang proyekto ni Pangulong Aquino!

Hindi ganoon ang sistema ng Pantawid Pamilya, mga ungas!

Nagalit umano kay Trilles ang mga gago, este, opisyal ng naturang barangay dahil ayaw nilang nairereklamo ang kanilang malinis na mga pangalan. Tingnan nga natin ang record ng mga ito kung talagang malinis? Opisyal pa lang ng maliit na remote na barangay sa probinsya ay pagkayayabang na, naghahari-harian pa!

Ipinasundo pa umano ng mga kumag ang kawawang pobre at may paabot pang pagbabanta kaya hindi sumama ang matanda.

Ito Ang Totoo: dumaan ang Pasko pero hindi binayaran ang pinagpaguran ng pobreng matanda sa ilalim ng Pantawid Pamilya Program ni Pangulong Aquino. Payag ba kayo na ganito, Pangulong Aquino? Bukod sa sabotahe ito sa inyong programa, malinaw na pang-aalipusta ito sa gusto ninyong tulungang mga dukha.

Disyembre 27, 2011 ay nawala si Trilles at nitong Enero 2, 2012 na nga natagpuang pinagpipiyestahan ng mga uod ang kanyang bangkay.

At kung kailan patay na ang pobreng matanda, saka ini-release ni Castillejos Social Welfare Officer Josefina Pagulayan ang tseke nito. Anak ng tokwa! Sa halip na pangkabuhayan, kulang pang panlibing nauwi ang pinagpaguran ng matanda na ipinagkait sa kanya kahit sa panahon ng kapaskuhan! Ang lupit naman talaga ng mga *$@£L<“{)!!?!

Dahil nasa advanced state of decomposition, wala na umanong magagawa ang medico-legal ng Castillejos, Zambales at pinayuhan ang mga kaanak na bahala na silang magtungo sa SOCO ng Olongapo kung gusto nila ng otopsiya! Tama ba iyon, PNP Director General Nicanor Bartolome? Pakitingnan po kung anong klaseng imbestigasyon ang ginagawa ng Castillejos PNP. Social Welfare Secretary Corazon Soliman, pakisilip po ang implementasyon ng Pantawid Pamilya Program sa Castillejos, Zambales, lalong-lalo na sa Brgy. Balaybay. At i-check n’yo na rin baka meron din pong kasing gago at bobo sa ibang lugar ng bansa na kagaya ng ilan sa Brgy. Balaybay.

Interior & Local Government Secretary Jesse Robredo, palagay natin hindi ninyo palalampasin ang kabaluktutan at karahasang nagaganap sa Brgy. Balaybay, Castillejos, Zambales at pupungusan ninyo ng palong o sungay ang mga nagtatapang-tapangan na umapi sa walang kalaban-laban na matanda! Hihintayin po natin ang aksyon n’yo at pati ni Castillejos Mayor Jose Angelo Dominguez.

Ito Ang Totoo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply