Panukalang batas sa Senado apektado ng impeachment

AMINADO si Senadora Miriam defensor Santiago na maraming nakabimbing panukalang batas sa Senado ang maaapektuhan sakaling magtagal pa ang impeachment trial.

Ani Santiago, dahil sa dami ng mga testigong ihaharap ng prosecution panel, siguradong matatagal pa ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona.

Gayunpaman, iginiit ng senadora na hindi naman kailangan ang sobrang dami ng mga testigo sa isang kaso, bagkus mas mahalaga ang substance ng isang testigo sa isinasagawang trial.

Nababahala naman si Senador Francis Pangilinan, sa sinasabi ng prosekusyon na mahigit sa isang daan ang kanilang testigo.

“The number of witnesses is a cause for concern. If they are serious about presenting all these witnesses then we face the prospects of a prolonged  trial,” diin ni Pangilinan.

Iginiit pa ni Pangilinan, kung ipipilit ang nasabing bilang ng mga testigo ay aabutin ng sampung buwan ang paglilitis.

Nauna rito, nagpahayag ng pagkalula si Senate president at Impeachment Court presiding officer Juan Ponce-Enrile sa balak ng prosekusyon na iprisinta ang tinatayang 90 testigo at 300 mga dokumento sa kaso ni Corona.

Subalit, nilinaw ni Enrile na hindi niya kontrolado ang bilang ng mga testigong nais iharap ng dalawang panig at wala siyang balak na tapyasan ito.

Maging si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ay nagulat sa dami ng witness at dokumentong ipiprisinta ng prosekusyon.

Ayon kay Estrada, sa dami ng tatayo sa witness stand malamang na abutin ng isang taon ang paglilitis sa kaso ni Corona.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply