Patakaran sa offloading ng BI babaguhin ng IACAT

BABAGUHIN na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang patakaran ng Bureau of Immigration (BI) sa offloading o pagbabawal sa mga Pilipinong pasahero na makasakay ng eroplano palabas ng Pilipinas.

Ayon kay Vice President Jejomar Binay, chairman emeritus ng IACAT, mag-uusap ngayong linggo ang konseho upang isapinal ang mga alituntunin kaugnay sa pagpapaalis ng mga Pilipinong pasahero na may hawak ng tourist visa patungo sa mga bansa kung saan may konsentrasyon ng mga overseas Filipino workers (OFW).

Sa isang panayam, aminado rin si Binay na may pagkukulang ang mga immigration officer sa Ninoy International Airport (NAIA) at sa iba pang pambansang paliparan na hinggil sa ginagawa nitong pagbabawal.

Dagdag pa ni Binay na perwisyo sa mga pasahero ang hindi makatarungan pagbabawal na makasakay sa kabila na lehitimo naman ang mga papeles ng mga ito, kabilang na ang balidong bisa mula sa embahada, return ticket, at katibayan mula sa kamag-anak sa ibang bansa na sasagutin nito ang gastusin.

“Pag hindi nakasakay ng eroplano sa takdang oras yun pasahero, dagdag na gastusin ‘yan sa kanila dahil magpapa-rebook pa sila, samantalang legal naman ang kanilang pagbiyahe,” ani pa ni Binay.

Batay sa ipinalabas na “guidelines on departure formalities for international-bound passengers in all airports and seaports in the country” na ipinalabas ng IACAT, iiwasan na ang hindi malinaw na dahilan na ibinibigay ng immigration officer sa pagpigil sa pasahero, gayundin ang pagkakataon na magkapang-huthot ang mga tiwaling empleyado sa mga paliparan.

Ipinalabas ang nasabing memorandum noong Enero 3, 2012 matapos ang halos tatlong linggong pagpupulong ng mga kinatawan mula sa immigration, Office of the Vice President (OVP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (Dole), Department of Foreign Affairs (DFA), Commission on Filipino Overseas (CFO), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Kasama rin sa nasabing pagpupulong ang mga opisyal ng non-government organizations tulad ng Visayan Forum Foundation, International Justice Mission (IJM), at ang Blas F. Ople Policy Center.

Iminungkahi rin ng IACAT ang paglalagay ng close circuit Television camera (CCTV) at voice recorder sa mga immigration counters upang masubaybayan ang nagaganap na transaksyon sa pagitan ng opisyal ng kawanihan at ng pasahero.

Binawasan na rin ng konseho ang kapangyarihan ng mga immigration officer na magpasya na kung ang isang pasahero ay pasasakayin ng eroplano.

Sinabi pa ni Justice Undersecretary Jose Vicente Salazar, officer-in-charge ng IACAT, na ipupursige din ng konseho ang mga kasong criminal at administratibo laban mga tauhan ng paliparan na sangkot sa human trafficking.

Ipinalabas ang alituntutin bilang tugon na rin ng pamahalaan sa dumadaming bilang ng mga reklamo hinggil sa walang pakundangang pagbabawal na makasakay ng eroplano sa dahilan na posibleng maging biktima ang mga pasahero ng pang-aabuso sa ibang bansa. Freddie Cortez

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply