Patutsada ng US: ‘Di laging masaya sa Pinas!’

PINATUTSADAHAN ng Pamahalaang Estados Unidos ang bagong kampanya sa turismo ng Pilipinas matapos abisuhan ng Washinton ang mga mamamayan nito sa bansa na mag-ingat sa banta ng terorismo, krimen at maging sa mga nagaganap na kilos-protesta sa bansa.

Sa ipinalabas na travel advisory ng US State Department, isang araw bago ilabas ng Department of Tourism (DOT) ang tourism campaign line nito, pinaalalahanan ng pamahalaang Estados Unidos ang mga residente nito sa Pilipinas na maging maingat kung magtutungo sa rehiyon ng Mindanao at sa lalawigan ng Sulu.

Ayon sa State Department, patuloy ang mga banta ng terorismo at maging ng mga pananalakay ng armadong grupo hindi lamang sa nasabing rehiyon at lalawigan, kundi maging sa iba pang panig ng Pilipinas.

Binalewala naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing travel advisory ng Amerika.

Inihayag din sa nasabing abiso na posibleng maging tangka ng pananabotahe ang mga pambansang paliparan, shopping malls, conference centers at iba pang pampublikong lugar.

Ang travel advisory ay maituturing na isang paghamon sa inilunsad na bagong kampanya ng DOT upang makahikayat ng mas maraming turista sa bansa.

Sinabi naman ni Foreign Affairs Assistant Secretary Raul Hernandez na bagama’t nagbigay ng bagong pangyayari sa Mindanao ang nasabing paalala, maituturing pa rin itong luma at pinalitan lamang ang naunang travel advisory.

Ipinagdiinan pa ng tagapagsalita ng DFA na patuloy na pangangalagaan ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga Pilipino at ng mga dayuhang naninirahan sa bansa.

Naniniwala naman si dating Tourism Secretary Gemma Cruz Araneta na ang magiging matagumpay lamang ang isang slogan para sa turismo kung tutumbasan ng konkretong pangangailangan sa larangan ng imprastruktura, malinis na pasilidad, mga pook-pasyalan na katangi-tangi sa Pilipino at ang mga mamamayang hanga sa kanilang bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply