Prosecution wala pang napatutunayan – Gringo

WALA pang napatutunayan ang House prosecution panel sa ibinibintang na sinasabing ill-gotten wealth at graft and corruption laban kay Chief Justice Renato Corona alinsunod sa second article of impeachment na kasalukuyang tinatalakay ng impeachment court.

Ganito ang pagsusuri ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan sa ginawang assessment sa isang linggong paglilitis kay Corona na nagsimula noong Enero 16.

“Wala pa, malayo pa tayo roon. Kaya nga ang suggestion ko sa taumbayan makinig muna, huwag munang magpadalus-dalos ng paggawa ng conclusion, napakaaga eh kasisimula pa lang,” ayon kay Honasan.

Pinabulaanan din ni Honasan na nagbubutas lamang siya ng bangko sa ginaganap na impeachment trial, bagkus minabuti niyang manahimik at makinig sa argumento ng prosecution at defense panel upang maintindihan ang proseso.

“Minarapat ko na makinig muna para maintindihan ko ‘yung proseso, magkaroon ako ng paunang idea kung ano ang style ng prosecution, kung yung mga ebidensiyang piniprisinta ay talagang matitibay,” wika ni Honasan.

Isa lamang si Honasan sa ilang senator-judges na hindi abogado. Hindi rin siya tumatayo sa paglilitis upang magbago ng anumang clarificatory question sa prosecution o defense team at testigo sa apat na araw ng paglilitis kay Corona.

Sa pangkalahatan, kuntento naman si Honasan sa pagtitimon ni Senate President at Impeachment Court presiding judge Juan Ponce Enrile.

“Normal, maganda ang pagpapatakbo ni Senate President Enrile, halos walang reklamo. Yung nagrereklamo walang magawa, ‘yung mga kahit anong gawin ni Sen. Enrile eh ‘waley yan’, yung sarado ang isip pero sa pangkalahatan, pati prosecution happy sila, so ibig sabihin maayos ang pagpapatakbo,” dagdag pa ni Honasan. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply