Prosecutor binantaan ng contempt charges

BINANTAAN na ni Sen. Miriam Defensor Santiago ng contempt charges ang abogado ng prosekusyon na si Atty. Arturo Lim.

Ito’y kaugnay sa patuloy na pagtatangka ng nasabing abogado na gisahin si BIR Comm. Kim Henares, kahit inaawat na ni Senate President Juan Ponce Enrile.

Ayon kay Santiago, marami pang trabaho si Henares kaya dapat nang pauwiin.

At kung magpupumilit aniya ang panig ng prosekusyon ay malamang na ma-contempt ito sa Impeachment Court.

Samantala, kung kahapon ay medyo diplomatiko si Senate President Juan Ponce Enrile sa kanyang pasaring sa prosekusyon kasunod ng kahilingan na dapat maging liberal o maluwag ang impeachment court kaugnay ng paghaharap ng testigo sa kaso ni Chief Justice Renato Corona, ngayon ay tila may diin na ang banat ng presideng officer sa kampo ng Kamara.

Ito ay makaraang tahasang sinabi ni Enrile na kulang sa pag-aaral ang panig ng prosekusyon bago humarap sa impeachment court kaya hirap nilang unawain ang teknikalidad sa kaso.

Ayon kay Enrile, hiningan na niya ng panukala ang magkabilang  panig kaugnay ng pagpapatupad ng panuntunan ng hukuman ngunit tanging depensa lamang ang nagsumite kahapon.

Kahapon ay tiniyak ng iba pang senator-judges na mananatili si Enrile sa puwesto dahil wala naman umanong problema at nasa tamang direksyon ang kanyang pamumuno sa impeachment court.

Kabilang sa sumuporta kay Enrile ay sina Sen. Manny Villar, Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, Sen. Antonio Trillanes, Sen. Bongbong Marcos.

Kaninang umaga ay nagsumite na ang prosekusyon ng kanilang memorandum bilang tugon sa hirit ng depensa na dapat hindi payagan ng korte na maiharap ang testigong walang kinalaman sa kaso ni Corona partikular si BIR Commissioner Kim Henares na pinadadala ang Income Tax Returns (ITR) ng punong mahistrado.

Sa kanilang sagot kinontra ng prosekusyon ang hirit ng depensa sa pagsasabing may kinalaman sa kaso ni Corona ang kanilang ihaharap na testigo kaya’t dapat itong tanggapin ng hukuman.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply