Quezon City kumita ng P.2-M sa pagre-recycle

IPINAABOT kaninang umaga ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa QC environmental protection and waste management department (EPWMD) na kumita ang lungsod ng mahigit sa P210,000 noong nakaraang taon bunsod ng pangongolekta ng mga bagay na maaaring magamit muli o ma-recycle.

Nagawa ito ng EPWMD dahil na rin sa epektibong pagpapatupad ng solid waste segregation policy o ang paghihiwa-hiwalay ng basura sa iba’t ibang departamento sa city hall.

Nakakalap ng ganoon kalaking halaga ang pamahalaang lungsod sapagkat pinalakas nila ang ecological solid waste management na nagresulta sa epektibong pangongolekta, pagbili at pagbenta ng mga basura sa mga opisina.

Inatasan naman ni Mayor Bautista si EPWMD chief Frederika Rentoy na doblehin ang pagsisikap nito sa maayos na implementasyon ng waste segregation policy sa loob ng city hall compound upang makatipid ng pondo ang pamahalaang lungsod at maipakita sa lahat na ginagawa ng lokal na gobyerno ang ipinag-uutos ng batas.

Sinabi pa ng alkalde na habang sumusunod ang siyudad sa nakasaad sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000, mahalaga rin na manguna ang pamahalaang lungsod, pati na ang mga empleyado, sa pangangalaga sa kalikasan upang maipaalala sa publiko na dapat nang baguhin ang nakasanayang sistema ng pagtatapon ng basura.

Alinsunod naman sa direktiba ni Mayor Bautista, hiniling ng EPWMD sa lahat ng departamento at tanggapan na magtalaga ng Solid Waste Management Officer (SWMO) na maaatasan upang magsagawa ng waste segregation upang matiyak na nahihiwa-hiwalay ang mga basura mula sa kani-kanilang opisina.

Magsasagawa rin ng regular na inspeksyon ng mga basurahan ang EPWMD sa bawat departamento o opisina upang matiyak na sinusunod ng mga ito ang segregation policy.

Mahigpit din umanong ipatutupad ang “No Segregation No Collection” policy sa mga tanggapang mabibigong paghiwa-hiwalayin ang kanilang basura.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply