Rep. Quimbo inupakan sa ebidensiya vs Corona

TAHASANG inihayag ng defense team ni Chief Justice Renato Corona na pambababoy at pambabastos sa impeachment court ang ginagawa ni Marikina Rep. Federico Quimbo na nagpapalabas ng ebidensiya sa labas sa impeachment trial.

Sa pahayag ngayong araw, sinabi ni Defense spokesman Tranquil Salvador na hindi makatuwiran ang ginagawa ni Quimbo na naglalantad ng ebidensiya sa labas ng korte, na taliwas sa itinakda ng Rules na ginagamit sa paglilitis.

“May ibang pag-aari si Chief Justice na inutang at may mga pagkakataong bumili ng hulugan at yan ay nasa dokumentong naipalabas na ng prosecution. Huwag sana po nating lokohin ang taumbayan,” paki-usap ni Salvador.

Ngunit, kasabay nito, tila nangungutya pang nagpasalamat si Salvador kay Quimbo sa pag-urong ng prosekusyon na i-subpoena ang mga bank record matapos maghain ng oposisyon ang depensa.

“Una, kami ay nagpapasalamat at iniurong ng Prosecution ang subpoena sa mga bank records.  Kahapon po ay nagsumite ang Defense ng oposisyon dito sa kadahilanang ito ay isang “fishing expedition” na naman.  “Tama na po, sobra naman po,” ayon kay Salvador.

Kahapon (Huwebes, Enero 26), inilantad ni Quimbo sa isang panayam sa telebisyon ang isang income graph ni Corona kabilang ang kabiyak nitong si Cristina na nagsasabing may pattern ng pagtaas ng kinita at halaga ng ari-arian nito.

Pinasalamatan pa ni Salvador si Quimbo dahil pinatunayan umano nito na walang itinatagong impormasyon si Corona sa kanyang SALNs.

“Ang suspetsa na may umanong nakaw na yaman si Chief Justice ay hindi base sa ultimate facts. Ang ITR po ay pinakita na may legitimate sources si Chief Justice, ngunit hindi lahat ng perang pinambili ay makikita sa ITR, tulad ng allowances,” giit ng depensa.

Dagdag pa ni Salvador na: “Nais ko pong itanong kay Marikina Congressman Miro Quimbo, sa House of Representatives po ba ay may allowances kayong natatanggap? Ito po ba ay parte ng inyong income at nadedeklara sa ITR nyo?.”

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply