Reporma sa COA…kailan?

MAHIGIT isang taon na ang nakararaan nang magtalaga si Pangulong Noynoy Aquino ng bagong mamamahala sa Commission on Audit.

Ngunit sa haba ng panahon na iyan, tila walang nabago sa kalakaran sa ahensya na ito.

Kasi, kaliwa’t kanan pa rin ang katiwalian.

Ano na ang nangyari kay Heidi Mendoza na ang appointment sa COA bilang komisyoner ay inaasahang magpapabago sa opisina na ito?

Si Heidi – kung ating matatandaan – ay yaong lady auditor noon na nagbulgar sa matinding katarantaduhan sa Armed forces of the  Philippines.

Dahil sa kanyang testimonya sa Senado, ilang heneral noong panahon ni Gi-nang Gloria Macapagal – Arroyo ang kinasuhan sa hukuman.

Ang ipinakitang katinuan bilang COA auditor at tapang sa pagsisiwalat sa mga anomalya ang naging susi para mahirang na  komisyoner.

Mapagkakatiwalaan ang tingin ni PNoy kay Heidi kaya itinalaga ito sa mataas na posisyon para tumino ang mga korap sa ahensya.

Katunayan, siya ang itinalagang mamamahala sa mga corrupt auditor sa mga Local Government Unit, kasama ang Metro Manila.

Pero, tila, hindi kaya ng ‘powers’ ni Comm. Mendoza ang mga korap diyan sa COA dahil buhay na buhay pa rin ang mga ito.

Ang unang hakbang nang italaga itong LGU auditors’ head ay revamp o paglilipat ng assignments ng mga city at town auditor.

Pero, ayon sa ulat na nakarating sa Chokepoint, nagkaroon ng reshuffle pero ang mga corrupt na auditor ay dating gawi pa rin.

Patuloy pa rin ang pakikipagkutsabahan ng mga ito sa mga alkalde at department head para makakupit sa kaban ng bayan.

Akala ni Mang Juan, mawawala na ang overpriced na binibiling supplies ng mga LGU.

Ngunit hindi naman at nananatili ang kurakutan.

Ang pagawain sa imprastraktura ay patuloy na dinaraya ng mga contractor dahil ang hinihingi sa kanilang ‘komisyon’ ay napakataas.

Kumbaga, ang dating practice na ‘commision system’ ay nananatili pa rin dahil sa kutsabahan ng COA auditors at LGU officials.

Ngayon…kung patuloy ang ganitong kalakaran sa COA at LGU, useless ang appointment ni Comm. Heidi Mendoza.

Ang dating matigas na Heidi ay tila, lumambot.

Sana nga lamang, hindi magkatotoo ang kumikilkil sa mapaglarong isipan ni Mang Juan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply