Resbak ni JDR sa Pasay tuluy-tuloy

TULUY-TULOY ang ginawang pagresbak sa Pasay City ni Jorge del Rosario (JDR), ang kinikilalang “Big Brother” ng lungsod, makaraang manahimik ng ilang buwan mula nang makasamaan ng loob ang dating kaalyadong si Mayor Tony Calixto.

Dinudumog si Big Brother JDR ngayon kahit saang barangay sa Pasay City siya magtungo. Sumbungan siya ng mga tagalungsod na hindi nakararanas ng pagbabago sa buhay na ipinangako sa kanila ni Mayor Calixto noong kampanya at maging sa kasalukuyan.

Sa pagresbak ni JDR, hindi ngitngit o galit ang kanyang dala-dala, at lalong hindi rin pangako o “hao-shiao” na programa ang bitbit niya sa kada pagbisita saan mang bahagi ng Pasay.

Palaging may resultang pinagkakaloob si JDR sa kanyang pagbisita. Katulad na lang ng trabaho na kanyang nabanggit sa mga nakahahalubilo niya. Sa ngayon, umabot na sa 200 kapuspalad na residente mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ang nabigyan niya ng marangal na trabaho magmula pa noong buwan ng Disyembre.

Sa kanyang pagbisita sa mga barangay, palaging sinasabi ni JDR na wala siyang personal na galit kay Mayor Calixto. Aniya, prinsipyo ang dahilan kung bakit kumalas siya sa alkalde. Sa katunayan, marami ang nabulag sa tunay na dahilan kung bakit kumalas siya.

Hindi rin niya pinanghihinayangan ang milyon-milyong pisong ginastos niya bilang suporta sa kampanya ni Calixto noong 2010 elections. At hindi naman siya nabigo dahil napuwesto nga sa trono itong si Calixto.

Ang importante sa lahat sa ngayon, paliwanag ni JDR, muli siyang nagbalik sa piling ng mga taga-Pasay – lalo na ang mga kapuspalad na tinatawag na “informal settlers” na totoong nalimutan na ng administrasyon ni Calixto.

Parami na ng parami ang bilang ng mga iskwater sa lungsod at problemang pangkabuhayan ang pangunahing suliranin nila. Ito ang nais tugunan ni JDR sa mga susunod na panahon kahit aniya wala siya sa poder ng mga nanunungkulan sa lungsod.

Kaya’t payo ko kay JDR, madaliin niya ang pagtulong sa mga mahihirap ng Pasay. Dahil sa pagkakaalam ko, planong paalisin ni Calixto ang mga iskwater ng lungsod sa mga susunod na panahon. Ito’y sa pamamagitan ng “balik-probinsiya” program na iminungkahi sa kanya ng isang mayor din mula sa katabing lungsod ng Pasay.

Mas magastos daw kung ipagpapatuloy pa ang pagpondo sa housing program ng Pasay sa Taytay, Rizal. Mas makakatipid daw kung bibigyan na lang ng konting pampuhunan at pamasahe pabalik sa kani-kanilang mga lalawigan ang naturang mga iskuwater sa lungsod.

Nakakamada na ang programang ito at pondo na lang ang hinihintay para masimulan.

* * * * * * * * *

Aminado si JDR na handa siyang sumabak sa eleksyon sa Pasay bilang kandidato sa pagka-alkalde sakaling hilingin ito sa kanya ng mga tagalungsod.

Aniya, marami ng kapalpakan ang administrasyon ni Calixto. Magmula nang maupo ito, walang ganap na programang naidulot para sa kapakanan ng mga mahihirap sa lungsod.

Wala namang nakikitang problema kung naisin ni JDR na sumabak sa pulitika dahil batang-Pasay din naman ito. Isa pa, marami na rin ang sumusuporta sa kanya maging ang mga dating opisyales ng lungsod.

Kaya’t ngayon pa lang ay kaliwa’t kanan na ang paninirang ipinupukol kay JDR. Normal lang naman ito sa isang puno na naghihitik sa matamis na bunga.

Pero patuloy pa rin si JDR sa pagbisita sa mga barangay sa Pasay. Patuloy pa rin siya sa pangangalap ng mga mabibigyan ng trabaho, lalo na ang mga nasa hanay ng mahihirap.

‘Yan si JDR. Bagay lang na tawagin siyang “Big Brother” ng Pasay.

* * * * * * * * *

Anumang reklamo. komento o suhestiyon, text o tawag lang  sa 0999-4333437; 0927-8473781 at 0922-4346131 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply