Roxas bumuwelta sa patutsada ni Corona

BINUWELTAHAN na ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Mar Roxas ang mga patutsada ni Chief Justice Renato Corona.

Sinagot ni Roxas na ang banat ni Corona na nagsasabing gumagawa lamang ng kasinungalingan ang mga kalaban niya upang matuon ang atensyon ng publiko sa impeachment case niya at mapagtakpan ang kawalan ng aksyon ng pamahalaan sa mga pangangailangan ng bansa.

“Sa halip na mag-imbento ng istorya at gumawa ng kuwento, dapat sagutin na lang ni  Corona ang mga isyu sa impeachment trial,” ayon kay Roxas.

“This trial is about the very serious offenses against our people for betrayal of public trust, ang pagtataksil sa bayan. Huwag na ‘yang mag-ponensya ng mga kwentong komiks at mga kathang-isip na conspiracy kuno. Harapin nya ang katotohanan at kanyang konsensya. Huwag na siyang mandamay ng kung sinu-sino pa,” dagdag niya.

Pinagtawanan lang  ni Roxas ang paratang ni Corona na may tatlong opisyal ng gobyerno ang nagsasabwatan upang mapaalis siya sa kanyang puwesto.

Hinamon din ni Roxas si Corona na pumunta mismo sa Commission on Audit (COA) website upang mapatunayan na totoo ang mga ibinibintang sa Punong Mahistrado.

“These are the elements that CJ Corona should answer, instead of making up stories or making up conspiracy theories.”

Kahapon ng umaga (Enero 16), matalas na inisa-isa ni Corona ang ipinupukol sa kanya sa harap ng kanyang mga kasamahan sa Korte Suprema, ilang oras bago ang unang pagdinig ng kanyang impeachment case.

Ayon kay Corona, isa sa mga nagbabalak na patalsikin siya sa puwesto ay ang taong nais hadlangan ang pagbibigay ng lupa sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Ang ikalawang naman ay isang nag-aambisyong maging bise presidente ngunit natalo noong 2010 elections.

Sinabi naman ni Corona na ang ikatlong kasabwat ay isang nag-aambisyong maging chief justice na atat umanong palitan siya. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply