Sa pagtakas sa ospital ng puganteng Koreano: Korean Mafia sabit

SUMASAILALIM ngayon sa matinding imbestigasyon ng mga operatiba ng Bureau of Immigration ang isang Korean national na umano’y kaanib ng “Korean Mafia” na nagbayad sa ospital ng tumakas na kababayan na may kasong swindling sa kanilang bansa.

Sa panayam sa mga opisyal ng kawanihan, nasakote nila ang nasabing Koreano noong nakalipas na linggo sa lungsod ng Maynila.

Gayunpaman, tumanggi pansamantala si Immigration Intelligence chief Maria Antonette Bucasas-Mangrobang na kilalanin ang nahuling kakutsaba ni Kim Tae Dong, ang puganteng tumakas sa St. Luke’s Hospital noong Disyembre 24, 2011.

Sinabi pa ni Mangrobang na nagsasagawa na rin ng magkakasunod na operasyon ang kanilang mga operatiba upang mahuli ang tatlo pang kakutsaba ni Kim nang makapuga ito sa immigration jail guards sa nasabing hospital.

Ang nahuling kasabwat ni Kim ang umano’y nagbayad sa St. Luke’s ng kabuuang P2.2 milyon kung saan P1.7 milyon bilang professional fees at P.5 milyon bilang upa sa kuwarto.

Sinisilip na ang anggulong kaanib si Kim ng ‘Korean Mafia’ sa Pilipinas at ito umano ay sanggang-dikit ni Kim Sung Kong, ang tumakas na dayuhan sa bilangguan ng CIDG-South Sector sa Bicutan, Taguig City noong Disyembre 26, 2011.

Kinastigo ng embahada ng South Korea sa Pilipinas ang pamunuan ng Kapulisan dahil sa kawalan ng impormasyon hinggil sa pagtakas ni Kim Sung Kon.

“Posible na ang magkasama sila sa sindikato, at dito na lang sa Maynila nabuo ang kanilang alyansa. Posible rin na ang grupo ni Kim Sung Kon ang nagtustos para mabayaran ni KimTae Dong. Lahat ng anggulo ay ating sinisilip,” pahayag naman ng isang beteranong operatiba ng kawanihan.

Sinabi na kamakailan ni Mangrobang na mahigpit ang tagubilin ni Immigration Commissioner Ricardo David, Jr. sa mga operatiba na puspusan ang paghahanap kay Kim Tae Dong
.
Matatandaan na dinala sa St. Luke’s si Kim Tae Dong noong Agosto dahil sa sakit sa tiyan, hypertension at diabetes.

Si Kim ay nahaharap sa kasong pandaraya, kasama na ang siyam na kakutsaba, sa larong baccarat o lucky nine sa Seoul, South Korea noong 2010.

Umabot sa kabuuang US$8 milyon ang natangay ng mga akusado sa kapwa manlalaro ng baraha sa tatlong insidente noong Enero 3, Enero 23 at Disyembre 23, 2010 sa Walkerhill Hotel sa Seoul.

Matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Dongbi district court, tumakas sa South Korea ang dayuhan at nagtago sa Pilipinas noong Abril.

Nahuli ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit si Kim noong Hulyo 5, 2011 sa Ortigas Center, Pasig City.

Sa nasabing operasyon, nag-alok din si Kim ng P200,000 sa mga operatiba ng kawanihan subalit mariin itong tinanggihan ni Uso Dan Salasim, ang dating hepe ng BI-FSU.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply