SALN, mga titulo ni Corona magkakaiba

IBINUNYAG ng House prosecution team ang pagkakaiba sa nakasaad sa SALN at deeds of sale ng mga ari-arian na nabili ni Chief Justice Renato Corona.

Paliwanag ni Marikina Rep. Miro Quimbo, isa sa mga tagapagsalita ng prosecution panel, agad makikita ang discrepancy sa mga property ni Corona partikular sa mga condominium na nabili nito sa Taguig.

Isa na aniya rito ang Bellagio Tower Condominium kung saan nakasulat sa deeds of sale na ito ay naging pag-aari ng mag-asawang Corona sa halagang P14.5 milyon samantalang sa SALN ay mas mababa ang market value na P6.8 milyon.

Dagdag pa rito ang lote sa Mckinley Hill na nakapangalan sa anak na si Charina Corona Castillo na iginigiit na may kaya naman ito.

Nakakapagtataka aniya na walang pirma rito ang anak habang ang mag-asawang Corona ang nakapirma lamang dito.

Giit ng prosekusyon, malinaw na may kabawasan sa nakadeklara sa SALN at kung mapatunayan ang discrepancy dito ay makasasapat na ang Article 2 para mapatalsik ang punong mahistrado.

Samantala, inihayag din ng prosekusyon na noon pa man ay inaasahan na ng prosecution team ang palagiang objection na gagawin ng depensa sa pagpapatuloy ng impeachment trial ng punong mahistrado.

Ayon naman kay Aurora Rep. Sonny Angara, taktika lamang ito ng depensa para tumagal ang paglilitis at magresulta sa pagkasawa ng taumbayan na subaybayan ito.

Pinangatwiranan din ni Angara ang panawagan ni dating Senator Nene Pimentel na magbitiw ito sa panig ng prosecution team sa isinasagawang impeachment trial laban kay CJ Corona.

Aniya, pinili niyang maging opisyal na tagapagsalita upang ihatid ang mga nais ihayag ng prosekusyon at hindi naman aniya ito makaaapekto sa isipan ng mga taga-usig at sa kaso ng punong mahistrado.

Ayon kay Pimentel, ito ay dahil ang kongresista ay anak ng isa sa senator-judges o ni Senador Edgardo Angara na isa sa mga hukom ng impeachment court at anumang sabihin nito sa publiko ay maituturing na hindi kapani-paniwala.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply