Sari-sari store hindi apektado sa job visa ng BI

PINAGDIINAN ng Bureau of Immigration (BI) na hindi mamamatay ang lokal na negosyo sa Pilipinas sa pagpasok ng mga dayuhang negosyante na kukuha nang iniaalok na job visa ng kawanihan.

Ayon kay Immigration Commissioner Ricardo David Jr., malinaw sa probisyon ng ipinatutupad na Secial Visa for Employment Generation (SVEG) na kailangan muna magsumite ng permiso mula sa lokal na pamahalaan kung saan itatayo ang negosyo bago ibigay ng kawanihan ang nasabing espesyal na bisa.

“Dapat hindi direktang kumakalaban sa mga malilit na negosyo ng ating mga kababayan, partikular na sa mga lalawigan, tulad ng sari-sari store,” paglilinaw pa ni David sa pangambang baka pasukin ng mga dayuhang mangangalakal ang nasabing negosyo.

Ayon pa kay David, protektado ang mga lokal na negosyante ng Saligang Batas at ng batas sa dayuhang pamumuhunan sa bansa, kaya hindi dapat mangamba ang mga Pilipinong kapitalista sa iniaalok na ‘job visa.’

Batay sa pag-aaral ng DOLE, hindi lalagpas sa limang empleyado ang ibinibigay na trabaho ng mga maliliit na ‘sari-sari store’ sa bansa.

Sa kasalukuyan, may mga dayuhang Koreano at Hapon ang nagpapatakbo ng mga ‘convienence store’ sa bansa at karamihan sa mga itinitindang produkto rito ay galing sa kani-kanilang bansa, taliwas sa mga inilalako sa mga pangkaraniwang sari-sari store.

Layunin ng SVEG na matulungan ang mga Pilipinong manggagawa, propesyunal man o teknikal ang kasanayan, na mabigyan ng regular na trabaho sa bansa, alinsunod sa job employment program ni Pangulong Benigno Aquino III.

Pinapayagan ng kawanihan ang may hawak ng SVEG visa na manatili sa bansa hangga’t nagbibigay ng pangmatagalang hanapbuhay na hindi bababa sa sampung manggagawang Pilipino.

Papayagan din ang mga dayuhang negosyante na maglabas-pasok sa bansa kahit na hindi kumuha pa ang mga ito ng entry at exit permits sa kawanihan.

Sinabi naman ni Atorni Cris Villalobos, ang hepe ng SVEG one-stop-shop na tatagal lamang ng 15 araw ang proseso sa pagpapalabas ng visa, matapos na maisumite ang kinakailangang mga dokumento at kabayarang hindi lalagpas sa P20,000 bilang application fees.

“Sa dating batas, isang taon lamang ang taning ng visa na ibinibigay sa mga negosyante. Pero sa ilalim ng SVEG, wala na itong taning o deadline,” paliwanag pa ni Villalobos, matapos na pirmahan ni Justice Secretary Leila De Lima ang implementing rules and regulations.

Ang SVEG ay unang ipinatupad sa panahon ni dating Immigration Commissioner Marcelino Libanan subalit ipinahinto ng kasalukuyang liderato ng kawanihan upang maging akma at sumasang-ayon sa layunin ng batas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply