Sex video ni Ramgen pinaiimbestigahan ni Bong sa NBI

HUMINGI ng tulong si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa National Bureau of Investigation na kilalanin at kasuhan ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng sex video ng yumaong kapatid na si Ramgen at girlfriend nitong si Janelle Manahan.

Ang naturang sex video umano ay kumakalat na sa Internet.

“Sobrang pambababoy ang ginagawa nila sa kapatid ko. Karumal-dumal na nga ang pagkamatay ni Ramgen, sinisira pa nila ang pagkatao,” diin ni Revilla.

Dagdag pa nito, “Mas grabe pa ang pambababoy na ginagawa nila kay Janelle. Grabe na ang kanyang pinagdaanan, at pilit pa nilang niyuyurakan ang pagkababae nito ngayon.”

Dahil dito, iginiit ni Revilla sa NBI na magsagawa ng imbestigasyon at arestuhin ang mga  nagpakalat ng video dahil sa paglabag sa Anti-Voyeurism Law of 2009 (RA 9995), ang batas laban sa hindi awtorisado at walang pahintulot na pagpapakalat at pag-upload ng mga video.

Sa ilalim ng Seksyon 4 ng naturang batas, ipinagbabawal ang pagkuha ng larawan o video sa sinuman o anumang grupong nagsasagawa ng sexual act o anumang katulad na aktibidad, gayundin ng anumang maselang bahagi ng katawan, nang walang pahintulot ng mga taong kinukuhanan.

Sinabi pa ng senador, na ipinagbabawal din ang pagkopya, pagbenta, pagpapalabas at pagpapakalat ng mga ganitong klaseng larawan at video kahit pa pumayag ang mga taong nasa larawan o video na sila ay kuhanan.

“This means that every person who downloads, copies and sends the video is guilty of committing the offense, regardless if they were the original uploaders,” paliwanag ni Revilla.

Aniya, ang mga mapapatunayang lumabag sa nasabing batas ay mahaharap sa tatlo hanggang pitong taong pagkakakulong at pagmumultahin ng mula P100,000 hanggang P500,000.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply