Si Nazareno, paghihirap kamatayan at sakit

MADALING maintindihan ang dahilan ng milyon-milyong mamamayan na sumama at nagtiis sa matagal na prusisyon ni Itim na Nazareno sa Maynila kahapon.

Hindi inalintana ng mga deboto ang tagal ng prusisyon, stampede na ikinasugat ng mahigit sa 100 katao at banta ng mga terorista.

MGA GRABENG KALAMIDAD

Hindi kaya ng mga namumuno ng bansa ang mga kalamidad na nagaganap sa bansa.

Ito ang malinaw na paniniwala ng mamamayan sa harap ng mga kahindik-hindik na mga kalamidad gaya ng mga delubyo at landslide.

Malimit pa ngang hindi makita ang mga ito na mabilis na umaksyon para iligtas ang mga biktima.

Mas mabilis at malaki pa ang naitutulong ng mga pribadong tao kaysa naitutulong sa kanila mismo ng gobyerno.

At ang masama, nagtuturuan ang mga ito kung sino ang dapat na unang umaksyon at kung sino ang dapat na sisihin sa mga kapalpakan.

Dahil sa mga pangyayaring ito, kanino tatakbo ang mamamayan kundi sa Diyos, sa katulad ni Itim na Nazareno?

GRABENG KAHIRAPAN

Sa survey ng Pulse Asia, nakapaninindig-balahibo ang sinasabi ng mamamayan ukol sa kahirapan.

Nasa 45% o halos kalahati ng 95 milyong Filipino ang nagsasabing walang nangyari sa buhay nila sa buong taong 2011.

At nasa 38% rito ang nagsasabing pasama nang pasama ang kanilang kalagayan.

Gaano karami ang taong yan kung totoo ang sinasabi ng survey?

Eh karamihan sa mga ito ang mga mahihirap.

Kung pagsasamahin ang 45% at 38% porsiyento, gaano karami yan?
Nasa 83% lahat yan.

Halos 79 milyong katao.

Eh di halos lahat ay nakararamdam ng paghihirap.

At sa totoo lang, hindi lang ang mga mahihirap ang nakararamda ng hirap.

Kasama na ang mga may kaya at kakaunti lang talaga ang hindi nakararamdam ng paghihirap o krisis.

Sino ang hindi tatakbo sa Diyos, kay Itim na Nazareno sa ganitong kalagayan?

PATI MEDIAMEN PINAPATAY

Dahil sa pag-upo ni Pangulong Noynoy bilang Boss ng mamamayan na kanya ring Boss, malaki ang tiwala nating mababawasan kahit papaano ang pagpaslang sa mediamen.

Anak ng tokwa, mabibigo yata tayo.

Mahigit pang apat na taon na mananatili sa Malakanyang si PNoy at nakatatakot isiping may madadale pa ring kabaro natin.

Bakit?

Sapagkat tiyak na magpapatuloy ang pagiging aktibo ng mediamen sa pagsubaybay sa mga maseselang programa ni PNoy.

Yun bang === korapsyon at pandarambong.

Bawat iuulat ni PNoy na laban nito, bawat maipakukulong nitong korap at mandarambong, natural na iuulat sa bayan ng mediamen.

Dito pinagbabalingan ang ating hanay at tayo’y pinapaslang.

Kung sumasabay tayo sa pagkalkal ng korapsyon at pandarambong, lalong mauulol ang mga hindot na ito at itinututok ng mga ito ang barrel ng kanilang mga baril.

HINDI ZERO CASUALTY

Sa katunayan, pangwalo na si kasamang Christopher Godera Guarin sa mga napaslang na mediamen sa panunungkulan ni PNoy.

At marami pa ang may mga death threat na palatandaan ng kawalan ng kaligtasan sa kanilang propesyon o trabaho.

May mga ahensiya naman ng pamahalaan na ating pinagkakatiwalaan para tumutok sa mga kasong pagpatay sa mediamen pero ang nakikita natin ay bibihira ang nagkakaroon ng kalutasan.

Isang malaking kabiguan din ng mga ito ang pagtukoy sa mga utak ng mga pamamaslang na higit na “dangerous” kaysa sa mga gunmen.

Ngunit kung gaano kapalpak ang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagtugis sa mga nakapatay nang mga kriminal, lalo itong palpak sa pagbibigay-proteksyon sa buhay pang mediamen.

Sa ganitong kalagayan, mga Bro, sino ang hindi tatakbo at magpapasaklolo sa Diyos at kay Itim na Nazareno para lang sila patuloy na mabuhay?

PUMAPATAY NA MGA SAKIT

Isa pa sa napakalaking problema ng mamamayan ang kawalan na ng kakayahan na magpaospital.

Bukod sa ugali ng mga ospital na tanggihan ang mga naitatakbo sa kanila na delikado ang kalagayan dahil lamang sa itsurang hirap sa buhay ang maysakit o nadisgrasya, talaga namang hindi na nagpapaospital ang maraming maysakit at nadidisgrasya sa kawalan ng pampaospital.

Sinong istambay at sinong kontraktuwal ang may kakayahang makapagpaospital?

Pustahan pa tayo, mga Bro, wala. Kaya nga, ipinababahala na lang nila kay Lord ang lahat hanggang sa kuhanin na nga sila ni Lord sa awa.

Nakupo.

MAKINIG ANG HINDI BINGI

May kasama laging malalakas na iyak at panaghoy ang mamamayan sa kanilang sinasapit.

Dapat na makinig ang mga hindi bingi sa pamahalaan at iba pang mga kinauukulan sa katotohanang ito.

Kung mananatili silang bingi o nagbibingi-bingihan, walang ibang pupuntahan at lalapitan ang mamamayan kundi ang Diyos at si Itim na Nazareno.

Kahit na pinaniniwalaang itinalaga ang mga nasa pamahalaan ang pag-aasikaso sa mamamayan ng mga nasa kataas-taasan.

O kayo riyan sa pamahalaan, paano ninyo ipakikita ang inyong paglilingkod na may kasama laging “So Help me God” sa inyong panunumpa sa tungkulin?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring Itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply