Sibakin ang hepe ng Castillejos, Zambales PNP

NAALAALA ko ang sabi ng lolo ko na may ASO raw nauulol kapag umaaraw naman pero

umuulan. Kayo, ano naman ang sabi ng lolo niyo?

Ito Ang Totoo: mahabang panahon din bago ko lubos na naunawaan na ang ibig sabihin

ng lolo kong matagal nang lumisan ay minsan, may mga bagay na taliwas sa normal at

inaasahan. Halimbawa, iyon bang nagngingitngit ka na sa galit pero napangingiti ka pa, sa kaso ko, sa natunghayang sukdulang kapalpakan kundi katangahan ng mga kinauukulan! Para nga namang ulol, ‘di ba? (hah, ano raw?)

O, wala pala ang lolo n’yo sa lolo ko, eh!

Kaugnay ng topic natin dito sa Ito Ang Totoo nitong nakaraang Biyernes sa pagkamatay ni Gaudencio Trilles, 68, na natagpuang naaagnas sa bukid matapos ireklamo ang punong barangay ng Balaybay, Castillejos, Zambales at dalawang kagawad nito dahil sa nais na pagbawas ng 2 libong piso sa dapat sana’y 3 libo niyang suweldo sa ilalim ng Pantawid Pamilya program ni Pangulong Noynoy Aquino, eto ang txt ni PNP Chief Inspector Oriano Mina sa kinakapatid nating si Micot Juico: “Madam may sakit po yong namatay, yon po ang sabi ng pamilya at iyon din po ang resulta ng aming pag-imbestiga madam.”

Doktor ba si Mina para makapagsabi at magdeklara na ang isang tao ay namatay sa sakit nang hindi man lamang isinailalim sa otopsiya?

Ating napag-alaman pa na ang pamilya na tinutukoy ni Mina ay ang may kapansanan sa isip na 19-anyos na nag-iisang anak na babae ng biktima. Eh, mas may diperensiya pa pala ang pag-iisip nito dahil sa may diperensiya sa pag-iisip nakipag-usap at nagkaintindihan sila!

At kung matinong pulis itong si Mina, tama ba na ganoon ang istilo niya na itatanong at ibabatay na lamang sa sagot ng kung sino ang magiging resulta ng imbestigasyon niya?

Hindi pinansin ni Mina ang pahayag ng kapatid, mga pamangkin at iba pang kaanak ng biktima na ilang linggo bago ito nawala ay nagsumbong sa kanila na may banta sa buhay niya. Katunayan, sa sariling kamay ay isinulat ni Trilles sa notebook ng pamangkin ang pangalan ng tatlong taong posibleng gumawa ng hindi maganda sa kanya.

Hindi rin pinansin ni Mina ang anggulo na may reklamo ang biktima kaugnay ng anomalya sa pagpapatupad ng Pantawid Pamilya program ni Pangulong Aquino sa naturang barangay na maaaring pagmulan ng motibo ng pagpatay sa kanya.

Kapag MINAlas ka nga naman na hepe ng pulisya sa bayan mo si Mina.

Ipinalibing na agad ng hindi na-otopsiya ang bangkay ng biktima dahil ayon sa mga kinauukulan, at Ito (lamang) Ang Totoo sa sinabi nila, agnas na o nasa advanced state of decomposition  na ang bangkay. Pero tama ba na huwag nang i-otopsiya? Paano na ang
imbestigasyon?

Tahimik ang Castillejos DSWD kaugnay ng anomalya, may kinalaman kaya sila? Di ba sila ang may hawak ng programa? Ganoon din si Castillejos Mayor Jose Angelo Dominguez na hindi nagpapakita ng interes sa kaso. Anong klaseng mga opisyal kayo?

Pumuwesto pa kayo e wala naman pala kayong malasakit sa inyong kapwa tao lalo na’t mahirap lang ito?

Zambales Provincial Director Sr. Supt. Francisco DB Santiago, Jr., baka gusto n’yong i-relieve na itong si Mina at kasamang ibalik sa grade 1 ang imbestigador nitong pulpol? Hindi magkakaroon ng tunay na imbestigasyon hanggang si Mina ang hepe ng pulisya sa Castillejos dahil paninindigan lang nito ang una nang palpak na report.

PNP Chief Nicanor Bartolome, sir, pakitingnan po at mukhang puro pambobola ang mga report ni Mina na natatanggap ni PD Santiago na mukhang naniwala naman. Kapag MINAmalas ka nga naman, oo…

DSWD Sec. Soliman, may aksyon na po ba kayo? Mukhang wala pong gumugulong dito sa baba? Hindi po ba kayo nababahala sa maaring sabotaheng ginagawa sa programang Pantawid Pamilya ni Pangulong Aquino?

DILG Secretary Jesse Robredo, pababayaan na rin lang po ba ninyo ito?

Ito Ang Totoo: hindi magsasawa ang column na ito na balik-balikan ang isyu habang walang nangyayaring totohanang imbestigasyon sa pagkamatay ng inaping matandang si Gaudencio Trilles, isama na ang isa pang natagpuang bang-kay na si Rolando Frilles sa naturan ding barangay, isang araw lang ang pagitan matapos natagpuan ang una.

Hindi naman kalabisan ang totohanang imbestigasyon lang na hiling upang matukoy kung may dapat managot sa naturang insidente at kung meron, panagutin ito, hindi po ba, Sec. Robredo?

Sige, susubaybayan natin kung gaano kakupad kumilos o di kaya’y tuluyan nang walang pagkilos ng mga kinauukulan sa mga kadahilanang akala nila sila lang ang nakaaalam.

Ito Ang Totoo!

0o0

Abangan sa Biyernes ang daan-daang milyones na utang para sa basurahan sa Olongapo na “inayos” ni JLO o Jimmy Lorenzana.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply