Sigang towing trucks ni Mark Calixto sa Pasay

ANIM na towing trucks ang ngayo’y paksa ng reklamo ng mga motorista sa Pasay City.

Ang tinutukoy ko ay ang Sun Valley Towing Services na kalimitang makikitang gumagala sa mga piling lugar sa Pasay tulad ng EDSA, Macapagal Boulevard, Taft Avenue, at sa bahaging di nalalayo sa NAIA 1, 2 at 3.

‘Ika nga, kung saan maraming mabibiktimang motorista ay nandoon sila at matiyagang nakaabang na akala mo’y mga buwitreng gutom na gutom.

Ayon sa mga nagrereklamo, dilaw ang kulay ng naturang towing trucks. Ubod daw ng tapang kung umasta ang mga pahinante at drivers nito na ang suot ay berdeng t-shirts. Tubo at pamalong kahoy kaagad ang hawak nila sa tuwing may papalag sa kanila.

Natatandaan ko pa na ang berdeng t-shirt ang sumisimbolo sa opisyal na kulay ng Team Calixto noong nakaraang eleksyon.

Hindi nga ako nagkamali. Dahil nang komprontahin ng isang armadong motorista ang mga pahinante ng nasabing towing trucks, pangalan agad ni Mark Calixto ang kanilang isinigaw sabay tawag ng saklolo sa mga tauhan ng Traffic and Parking Management Office ng lungsod.

Totoo kaya ang sinabi nila na si Mark, ang panganay na anak ni Mayor Tony Calixto, ang nasa likod ng nasabing towing company? Ito ba ang dahilan kung bakit hindi mapalagan ito ni Moti Arceo, ang hepe ng Pasay Traffic and Parking Management Office?

Marami nang pang-aabusong ginawa sa mga motorista ang mga pahinante at driver ng naturang mga towing truck gayung lumalabas na iligal pala ang operasyon ng kompanya nila.

Napag-alaman kasi na wala raw itong accreditation papers mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA) o Land Transportation Office (LTO) tulad ng sinasaad sa batas.

Wala rin daw itong prangkisa o permiso mula sa konseho ng lokal na pamahalaan. At wala pa daw license plates ang naturang mga towing truck.

Ang tanging dalang papeles ng mga towing truck na ito ay mayor’s permit na inisyu ni Boyet del Rosario, ang kontrobersyal na hepe ng BPLO ng Pasay City Hall. (Palagi raw siyang kakuwentuhan ng “high-rollers” sa Hyatt Hotel & Casino sa Malate, Maynila. Bakit naman kaya?)

Halagang P8,000 ang boundary ng bawat towing trucks kada araw kaya pala todo-kayod ang mga trabahador nito.

Ito rin daw ang dahilan kung bakit kahit walang sapat na dahilan ay basta na lamang nilang hinihila ang anomang klase ng sasakyan na nakaparada sa lansangan. (Itutuloy)

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply