Simbahan tutol sa pagbabalik-Pinas ni Joma Sison

MAHIGPIT ang pagtutol ng ilang lider ng Simbahang Katolika sa pagbabalik-Pinas ni CPP-NPA-NDF Founder Jose Maria ‘Joma’ Sison, lalo na kung plano pa itong bigyan ni Pangulong Benigno Aquino III ng posisyon sa pamahalaan.

Ayon kay dating military ordinariate Lipa Archbishop Ramon Arguelles, kung uuwi sa bansa si Sison ay malaki ang posibilidad na magiging daan lamang ito ng panibagong kaguluhan sa pagitan ng mga rebeldeng grupo, mga rightist, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Kung bibigyan naman umano ng Pangulo ng posisyon sa pamahalaan si Sison ay maaaring maging masamang senyales ito sa mga taong naghirap sa awayan sa pagitan ng mga awtoridad at mga rebelde.

Naniniwala rin si Arguelles na aalma ang tropa ng militar sakaling umuwi nga ng bansa si Sison lalo pa’t marami na silang sinakripisyo sa pakikipaglaban sa rebeldeng New People’s Army (NPA) na pinamumunuan ni Sison.

Payo pa ng arsobispo, harapin muna ni Sison ang kanyang pananagutan sa taumbayan bago bigyan nang anumang posisyon sa gobyerno.

“Hindi kasi maganda na gantimpalaan ang itinuturing na crime. Sakali mang umuwi si Joma, hindi naman masama yun, pero dapat muna niyang harapin ang anumang accusations laban sa kanya. Pero yung bigyan siya ng trabaho ng gobyerno na marangal ay baka masamang signal ang sinasabi niyan doon sa mga naghirap doon sa awayan,” dagdag pa ng arsobispo.

Sinegundahan naman ito ni Solidarity Philippine convenor Father Joe Dizon.

Ayon kay Dizon, posibleng magkagulo kapag pinayagang umuwi sa bansa si Sison.

Ani Dizon, na maraming kaso at maraming galit kay Sison kaya’t maraming grupo ang maaaring magtangka sa buhay nito.

Una nang lumabas ang balita na sakaling makauwi sa bansa si Sison ay bibigyan ito ng Cabinet position ni PNoy.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply