Simpleng problema sa kalye

TAPOS na ang Pasko at Bagong Taon kaya kailangan bagong buhay, bagong pag-asa, ayon sa ilang mga nagtext sa Pakurot na umaasang mabibigyang kasagutan o lunas ng pamahalaan ang ilang mga simpleng problema sa kalye.

Napakaraming reklamo mula sa mga pasahero kaugnay sa napakalakas na sounds o tunog ng radio ng mga pampasaherong jeep na may biyaheng Blumentritt-Novaliches via A. Bonifacio.

Tila mga kulog mula sa langit ang tunog ng mga radio kaya naman maging ang dibdib ng mga pasahero ay kumakabog at ang kanilang mga tenga ay nabibingi sa dagundong na tunog.

Madalas, nakalalampas ang pasahero sa bababaan nitong lugar dahil hindi marinig ng tsuper ang pagpara bunga ng napakalakas na tunog at ito madalas ang sanhi ng away at murahan sa pagitan ng pasahero at tsuper.

Bukod sa napakalakas na tunog at matulin na patakbo ng mga sasakyan, napakalakas din ng busina ng ilang pampasaherong jeep na bumibiyahe sa nabanggit na lugar subalit hindi man lang ang mga ito napagsasabihan o binabalaan ng mga kinauukulan.

Dedma lang ang mga pulis na nakatalaga sa traffic at maging ang mga traffic enforcer.

Ano ba ang dahilan nito? Nakikisama sila sa malakas na sounds? Patok sa kanila ang malakas na busina at ragasa at sigang estilo sa pagmamaneho?

O baka naman dahil nakikinabang sila sa iniaabot ng mga tsuper sa mga barker at sigang kolektor?

Hindi naman kasi patago ang pag-aabot ng mga tsuper ng barya sa mga kolektor na sinasabing itinalaga ng mga pulis para kumuha ng koleksyon.

Maliban sa malalakas na sounds, reklamo rin ng mga pasahero ang two way radio ng mga tsuper ng UV Express at GT Express vans na bumibiyahe ng Novaliches – Cubao at Novaliches – SM North Edsa.

Kailangang ma-regulate ito ng National Telecommunications Commission dahil bukod sa reklamong napakaingay ng mga tsuper sa pakikipagdaldalan gamit ang handheld radio ng kanilang sasakyan ay may mga tsuper din na ang mga salitang ginagamit ay may dalawang kahulugan na bastos ang dating sa mga pasahero na hindi na lang makapagkomento upang maiwasan ang away.

Dapat sana ay matugunan ito  ng national government o ng lokal na pamahalaan lalo na ang pulisya upang matugunan ang mga maliliit at simpleng problema na madalas at paulit-ulit na reklamo na lang ng mga mamamayan.

Simple man ang mga problemang ito, subalit dito nagmumula ang mga disiplinang magtuturo sa mamamayan upang kumilos tungo sa pag-angat at tagumpay.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply