Single ticketing system ng MMDA aprubado na

APRUBADO na ng Metro Manila Commission (MMC) ang resolusyon na nagtatakda ng isang sistema ng paniniket o single ticketing system na itinutulak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ipatutupad sa 17-lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Tiniyak ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo na ipiprisinta niya kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang naturang resolusyon upang ma-aprubahan bago tuluyang maipatupad.

Sa kasalukuyang sistema, may kanya-kanyang ticket ang bawat lokal na pamahalaan na kanilang ginagamit sa paninita sa mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko na labis namang tinututulan ng iba’t ibang grupo ng transportasyon na kabilang sa dumalo sa talakayan.

Sa paniniwala ng MMDA, labag ito sa umiiral na 1995 MMDA Charter na nag-aatas sa ahensiya na ipatupad at mangasiwa sa single ticketing system.

Napag-alaman na inaprubahan ang naturang resolusyon matapos ang isinagawang pakikipagtalakayan ng iba’t ibang grupo ng transportasyon kay DILG Secretary Robredo kahapon ng umaga sa Pasay City na pinangasiwaan ng MMDA na naging dahilan upang magkaisa ang mga alkaldeng bumubuo ng MMC na aprubahan ang resolusyon.

Kumpiyansa naman si MMDA Chairman Francis Tolentino na ito na ang magbibigay daan sa implementasyon ng paggamit ng iisa lamang na tiket na may logo ng MMDA at ng 17-LGUs na kikilalanin sa Kalakhang Maynila.

Nakasaad sa naturang resolusyon na kabibilangan ng mga namumuno sa Traffic Management Unit ng bawat lungsod, kinatawan ng Department of Transportation and Communications, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at MMDA ang Technical Working Group na lulutas sa iba’t ibang isyu at problema na may kaugnayan sa implementasyon ng single ticketing system.

Kabilang sa dapat pang resolbahin ng Technical Working Group ang pamamaraan ng paghuli, iisang halaga lamang ng multa at isang lugar lamang kung saan tutubusin ang lisensiya at plaka na nakukumpiska.

Binigyan naman ang sektor ng transportasyon ng isang linggo o hanggang Pebrero 2 upang magsumite ng kanilang komento at mungkahi kaugnay sa pagpapatupad ng resolusyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply