So ano ang pakialam ko?

ITO marahil ang iniiyak ng mga taumbahay na biglang nawalan ng pagkakataong manood ng kanilang mga telenovela sa hapon dahil sa live coverage ng impeachment hearing ni Chief Justice Renato Corona.

At hindi ko sila masisisi dahil kung tutuusin mo, wala namang ibang makikinabang dito kundi yung characters na sangkot sa pagdinig na ito. Ito yung inaakusahan, umaakusa at senator jurors.

Huwag po kayong malilito, wala akong pagtanggi sa naga-ganap na impeachment hearing na ito. Dahil sinoman ang manalo sa pagdinig na ito, ang tinitiyak ko ay malakas ang basics ng ating institutions at kahit gaano ka pa kataas ay maaari kang kaladkarin sa hustisya.

Ang hindi ko gusto dito ay ang pangitain na ginagamit lang ang prosesong ito bilang platform para sa eleksyon sa susunod na taon. Kung ako ang tatanungin ninyo, dapat matapos agad ang impeachment hearing ni Corona sa mabilis na panahon para hindi ito magamit na campaign tool.

At kung ako ang masusunod, hindi ko papayagang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa susunod na halalan ang lahat ng pasok sa sarsuwelang ito bilang pagpapakita ng kanilang delikadesa. Pero ilan ba sa pulitko natin ang meron nito? Besides, ano naman sa ordinaryong tao kung ma-convict o ma-acquit si Corona? Magbabago ba ang patakaran ng pulisya at hustisya rito sa ibabang bahagi ng lipunan na kulong muna bago litis?

Sa ilampung taon ko sa police beat, iisa ang nakikita ko pagdating sa mga kasong kriminal na may natukoy na suspek dito sa baba. Kapag mahirap ang suspek tuloy kalaboso ito at walang pakundangang alipustahin at hamakin dahil mahirap siya.

Pero kapag mayaman at kilala sa lipunan, napakagalang ng mga otoridad at may escort pa sa presinto. Ni hindi makatitikim ng kulungan dahil doon matutulog sa opisina ni hepe.

So, sa bandang huli, sa tingin ninyo may pakialam ba ang masa sa napakataas na bangayan na ito sa Senado? Siguro meron dahil nakatutuwang panoorin ang mga hari at prinsipe na mag-away sa publiko. Pero maliban dito, wala namang direktang pakinabang ang Filipino, eh.

Ibalik na lang ninyo yung telenovela namin. Mas gusto pa naming maiyak sa pang-aapi kay Marian Rivera kahit alam naming drama lang ito.

Kesa naman manood kami sa mga pulitikong panay ang drama na para sa amin ang ginagawa nila pero alam naman naming bulsa lang nila ang pakay nila!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply