Solar panel ipagkakaloob sa paaralan sa bundok

ISANG pampublikong paaralan sa bulubunduking bayan ng Norzagaray ang tatanggap ng libreng kuryente dahil sa solar panel.

Ito ay matapos ang pahayag ng Department of Energy (DOE) na maglalaan ito ng P5 bilyon para mabigyan ng kuryente ang lahat ng pook rural.

Tinupad ng National Power Corporation (NPC) ang hiling ni Gobernador Wilhelmino Alvarado na pagkalooban ng kuryente at tubig ang malayong paaralan ng Dike Elementary School sa bayan ng Norzagaray.

Sinabi ni NPC President Froilan Tampinco na hiniling ito ng gobernador noong magkita sila sa ika-apat na Regional Full Council Meeting nitong Disyembre sa Baler Sports Complex sa Aurora.

Ayon kay Tampinco, mga solar panel ang ikakabit sa paaralan upang maiwasan ang ilegal na koneksyon ng kuryente samantalang isang balon naman ang itatayo para sa suplay ng tubig.

Sinabi naman ni Maricel Santos-Cruz, hepe ng Provincial Public Affairs Office, na nagpapasalamat ang gobernador sa NPC dahil makatutulong ang kuryente sa kondisyon ng mga batang nag-aaral.

Nauna rito, inihayag ng DOE kamakailan sa isang pulong sa Clark, Pampanga na naglaan ang pamahalaang nasyonal ng P5 bilyon upang makabitan ng linya ng kuryente ang lahat ng barangay sa bansa padating ng taong 2017.

Sinabi ni Energy Secretary Jose Rene Almendras na isang mahabang landasin ang pagkumpleto sa naturang proyekto na maaari umanong umabot ng 10 hanggang 15 taon.

Ito umano ay bahagi ng kumpletong paglago na isinusulong ng pamahalaan.

“Ang kumpletong paglago ng ating ekonomiya ay magsisimula mula sa ibaba pataas. Alam natin na sa pagdating ng panahon, ang mga inilagak nating negosyo sa malalayong bahagi ng bansa ay babalik din sa sentro na may maraming tao,” ani Almendras

Batay sa tala ng DOE, 33 barangay sa bansa ang wala pang kuryente. Luzon ang may pinakamataas na bilang na 17. Ito ay sinundan ng Mindanao na may 16, at wala naman sa Visayas. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply