Sugatan sa Bagong Taon, mas marami ngayon, kesa 2011

LALO pang tumaas ang bilang ng mga taong nasugatan sa paputok at ligaw na bala sa pagsalubong sa taong 2012 na higit na mas marami kumpara sa bilang ng mga biktima na naitala ng Department of Health (DOH) noong nakaraang taon.

Batay sa surveillance update No. 14 ng DOH, umaabot na sa 949 kaso ng pagkasugat sa paputok at ligaw na bala ang naitala nila simula Disyembre 21, 2011 hanggang 6:00 ng umaga ng Enero 4, 2012.

Mas mataas ito ng 20 kaso (2.2%) kumpara sa 969 kaso na naitala nila sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon ngunit mas mababa ng siyam na kaso (0.9%) kumpara sa nakalipas na five-year average (2006-2010).

Ayon sa DOH, sa nasabing bilang 916 katao (96.5%) ang fireworks-related injuries o nasugatan dahil sa paputok, 28 (3%) ang nasugatan sa ligaw na bala at lima (0.5%) ang firecracker ingestion o nakalulon ng paputok.

Nabatid na pinakamarami pa ring naitalang kaso sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 564 (59%).

Sa 916 Fireworks-related Injuries, pinakamarami pa rin ang mga batang nagkakaedad lang ng 10 pababa at karamihan o 79% ay mga lalaki.

Nasa 724 (79%) ang nasugatan lamang, 58 (6%) ang kinailangang putulan ng daliri o kamay, at 129 (14%) ang nagtamo ng pinsala sa mata.

Ang 429 kaso (47%) sa mga kaso ay sanhi ng illegal fireworks tulad ng piccolo na nambiktima ng 274 (55%) at 374 (41%) naman ang dulot ng legal fireworks tulad ng kwitis (153 o 41%).

Samantala, nadagdagan naman ang biktima ng stray bullet ng dalawa, na parehong lalaki at mula sa Region II.

Habang nanatili naman sa lima ang kaso ng fireworks ingestion.

Una nang iniulat ng DOH na isang apat na buwang gulang na sanggol na lalaki ang namatay matapos tamaan ng boga sa kaliwang mata, habang patay rin ang isang 10-taong gulang na lalaki nang masabugan naman ng tira-tirang pulbura na inipon nito at sinindihan sa Cabanatuan City.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply