Task force binuo sa pagtugis sa pumatay kay Guarin

MALAKI ang posiblidad na mapasakamay ng batas ang pumatay sa tabloid publisher at blocktime commentator sa binuong Task Force Guarin na siyang mangunguna sa imbestigasyon.

Kumpiyansa si Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) GenSan chapter president James Katalan na layon ng pagtatag ng task force ay para matutukan ang mas mabilis na imbestigasyon.

Una rito nagpatawag ng pagpupulong si PNP-12 regional director C/Supt. Benjardi Mantele kasama ang mga opisyal ng pulisya sa GenSan para mapabilis ang paglutas sa panibagong media killing.

Ang hakbang ay ayon na rin sa kautusan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo na lutasin ang kaso sa lalong madaling panahon.

Ipinangako rin ni GenSan Mayor Darlene Antonino-Custodio na tutulong ito sa pamilya ng biktima para makamit ang hustisya.

Nabatid na tinamaan ng pitong tama ng bala sa katawan ang biktima na dating reporter ng Bombo Radyo Gensan at ngayon ay publisher ng Tatak News at blocktimer ng DXMD.

Nagpaabot na rin ng mariing pagkondena ang national organization ng KBP sa pagpaslang sa radio blocktimer.

Si Guarin, 41, ay may programa sa RMN, dati ring manager ng RGMA Super Radio Gensan at dating reporter ng Bombo Radyo GenSan.

Ayon kay KBP national chairman Herman Z. Basbaño, sana ay mabigyan ng karampatang hustisya ang pagpatay kay Guarin na siyang pinakaunang mamamahayag na pinaslang ngayong taon.

Umaasa rin ito na sana hindi naman ito ang simula ng mga kaso ng pagpatay sa mga miyembro ng media ngayong 2012.

“KBP hopes that this will not be the start of cases of media people being victims again of heinous crime for the year 2012,” ani Basbaño sa isang statement.

Samantala, kinondena rin ng NUJP at iba pang international media watchdog ang panibagong kaso ng pagpatay sa mamamahayag.

Sinabi ng grupong International Federation of Journalists (IFJ), itinuturing nilang “tragic start” para sa bagong taon ang pagpaslang kay Guarin.

Kaugnay nito, nanawagan din si IFJ-Asia-Pacific Director Jacqueline Park kay Pangulong Benigno Aquino III na tuparin ang pangako nito na ipagtanggol ang press freedom sa Pilipinas.

Ang IFJ ay sinasabing kumakatawan sa mahigit 600,000 mga journalist sa may 131 mga bansa sa buong mundo.

Si Guarin ang ika-10 sa mga mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Aquino administration.

Samantala, mariing kinondena rin ng Malacañang ang pagpatay Guarin.

Inihayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, alam na rin ng Pangulong Aquino ang nasabing karahasan sa mamamahayag.

Para kay Lacierda, inaasahan nilang mareresolba ng PNP sa lalong madaling panahon ang kaso at maiharap sa hustisya ang mga suspek.

“We received word from the PNP. The case is now under investigation. The PNP has identified leads and they are in hot pursuit. We expect the PNP to hopefully apprehend the suspects. And again, we condemn the extrajudicial killing of another journalist,” wika pa ni Lacierda.

Kung maaalala, patay na nang isugod sa ospital si Guarin matapos binaril dakong alas-10:30 ng Huwebes ng gabi sa area ng Sunrise Subd., Lagao, GenSan.

Ayon sa misis ng biktima na si Lyn, pauwi na sila sa kanilang bahay mula sa istasyon ng radyo kung saan nagpoprograma ang asawa nang binaril ng hindi nakilalang dalawang suspek na nakamotorsiklo.

Sa unang pagbaril sa biktima, nakalukso pa ito palabas ng sasakyan at nakatakbo subalit sinundan ng salarin at saka sunud-sunod na pinagbabaril.

Ang paglabas sa sasakyan ni Guarin kahit may tama na ay upang mailayo ang kanyang mag-ina na kanyang pinagsabihan pa na dumapa.

Sinabi pa ng asawa na bago nangyari ang pamamaril, nakatanggap na sila ng banta sa buhay sa pamamagitan ng text.

Huling natanggap umano banta nito ay nagsasabiang ‘wag siyang magpapakita sa istasyon sa gabi at papatayin.

Sa kanyang programa sa DXMD ay binasa pa niya ang text na death threat na hindi niya akalain na magkakatotoo pala.

Patuloy namang inaalam ng mga pulis ang motibo sa naturang krimen. Kasama rin sa imbestigasyon na binubusisi ay ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ng biktima ang insidente, kasama na ang issue sa business rivalry. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply