Tax payments ni Corona iimbestigahan ng BIR

TINIYAK ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na magsasagawa na sila ng imbestigasyon kaugnay sa mga tax payments ni Chief Justice Renato Corona.

Ito’y kaugnay pa rin sa nangyaring Cross examination kay Henares at pagtatanong sa kanya ni Sen. Joker Arroyo sa kanyang pagharap sa impeachment trial kahapon (Enero 26).

Tinukoy din ng opisyal na magsasampa sila ng kaukulang hakbang sa oras na may mapatunayan silang katiwalian sa tax duties ni Corona dahil tungkulin ng BIR na habulin ang mga umiiwas sa pagbabayad ng buwis.

Pinangangambahan naman ni Arroyo na maaaring dumoble ang kaso ni Corona dahil maliban sa impeachment ay may kaso pang kakaharapin si Corona sa BIR.

Kasabay nito, hiniling ni Arroyo sa BIR na maaaring hintayin munang matapos ang impeachment trial kay Corona bago gumawa ang hakbang laban sa punong mahistrado.

Naniniwala rin si Henares na walang kakayahan ang anak ng chief justice para bumili ng multi-million peso na real estate property sa Quezon City.

Inihayag ni Henares na nasorpresa ang kanyang tanggapan matapos madiskubre na umabot lamang sa P8,476 ang taxable income ni Ma. Carla Constantino-Corona noong taong 2009, pero nagawa nitong bumili ng P18-millyon halaga ng lupa sa La Vista, Quezon City.

Ang nabanggit na property ay pag-aari ng kanyang ina na si Cristina.

Ayon sa BIR chief, kasalukuyan pa umano nilang iniimbestigahan kung ibinigay bilang donasyon ang nasabing ari-arian.

Inihayag ni lead prosecutor at Iloilo Rep. Niel Tupas, Jr., na batay sa hawak nilang mga ebidensiya, ipinangalan ng punong mahistrado sa kaniyang mga anak ang tatlong mga real estate properties nito na nagkakahalaga ng P45 million.

Iginiit pa ng kongresista na walang kakayahan na bumili ng mga ari-arian ang mga anak ni Corona kung kaya’t imposibleng magmamay-ari ang mga ito ng mamahaling condo units.

Nangantiyaw naman sa prosekusyon si defense spokesman Atty. Mon Esguerra, na ayusin ang mathematics dahil inililigaw ang publiko.

Aniya sa SALN ni CJ Corona lumilitaw na nanghiram ito ng P11 million para mabayaran ang La Vista property na kalaunan ay ibinenta ng P18 million.

Ibinenta rin umano ni CJ Corona ang lote nito sa Ayala Heights ng P8 million kung kaya P18 million plus P8 million ay magiging P26 million para sa La Vista at Ayala Heights properties.

Habang ang dalawang condo units na nagkakahalaga ng P24 million at ang lote sa Marikina na minana ni Mrs. Corona ay naibenta na maaaring ang napagbentahan umano’y napunta sa savings o ginamit ding pambili ng una sa Burgundy bago ang Columns. ALEX CHING

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply