Teacher binurdahan ng saksak, tigok

TODAS ang isang high school teacher matapos na burdahan ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan sa loob ng kanyang bahay ng hindi nakilalang suspek sa Tondo, Maynila, iniulat ngayon ng pulisya.

Nagtamo ng 20 tama ng saksak sa likod, dibdib at braso ang biktima na si Nelson Macam, 49, teacher sa Ramon Magsaysay High School sa Maynila at nakatira sa 1172-C Tayuman St. Tondo, Maynila.

Ayon sa report ni PO3 Jupiter Tajonera, imbestigador ng MPD-Homicide Section na dakong ala-1:00 kahapon (Enero 12) nang madiskubre ang pagkamatay ng biktima ng kanyang kapatid na si May Macam Rivera.

Sa imbestgasyon, nabatid na nakatira ang biktima sa ikalawang palapag ng three-storey residential building na pag-aari ng kanilang pamilya kung saan inuukopahan nito ang western section ng 1st at 2nd floor ng gusali.

Bago ito, tumawag umano sa telepono si Rivera sa biktima dahil nakaugalian nang mananghalian sa kanilang bahay sa J.Planas ng kapatid ngunit hindi sumasagot ang huli kaya sinadya na niya ito sa bahay nito sa Tayuman.

Pagpasok sa bahay ng kapatid, agad na bumulaga kay Rivera ang nagkalat na dugo sa sala.

Nakita niyang nakahandusay at naliligo sa sariling dugo ang biktima.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumilitaw na madalas umanong may bisitang lalaki ang biktima.

Malaki rin ang paniniwala na pinagnakawan ito bago pinagsasaksak.

Ayon kay Tajonera, nawawala ang cellphone ng biktima dahil tanging ang charger na lamang ang nakita na nakakabit pa sa electric outlet.

Bukod pa rito, nawawala rin ang laptop, gintong singsing ng biktima na tinatayang aabot sa halaga na mahigit sa P100,000.

Sinabi pa ni Tajonera, na posible umanong maliligo ang biktima bago ito pinagsasaksak dahil nakasampay ang kanyang jockey brief at bath towel sa ibabaw ng desk top table.

Base sa tilamsik ng mga dugo mula sa comfort room, nagawa pa umanong makatakbo ng biktima sa sala at doon na siya bumagsak dahil sa mga tinamong saksak sa katawan.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa tunay na motibo ng pamamaslang.

Dinala na ang bangkay ng biktima sa Dulce Funeral Home para sa autopsy.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply