Terror threat sa ‘traslacion’ ng Nazareno alam ng simbahan

MAGING ang Simbahang Katolika ay nakatanggap din umano ng impormasyon hinggil sa plano ng ilang terrorist group na guluhin ang taunang prusisyon para sa Itim na Nazareno.

Inamin ni Monsignor Clemente Ignacio, rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene, na bago pa man nakipag-usap sa kanila si Pangulong Benigno Simeon Aquino III at ipinaalam na may terror threat sa prusisyon ng Itim na Nazareno, ay alam na rin nila ang naturang banta laban sa relihiyosong pagdiriwang.

“Bago dumating si Presidente, ang aming security group na may connection sa intelligence, kami-kami pinag-uusapan na namin. May pinasa sa akin na text na very concrete ang pangalan ng bombers,” ayon kay Ignacio.

Matatandaan, noong Linggo (Enero 8) nang biglang magtungo si Pangulong Aquino sa Quiapo matapos na kanselahin ang kaniyang biyahe patungong Davao City, para tiyakin ang kahandaan ng seguridad para sa prusisyon.

Kinausap din umano ng Pangulo si Ignacio at ipinaliwanag sa kanya ang mga detalye ng planong pambobomba.

Sa kabila naman ng terror plot ay nagdesisyon ang mga opisyal ng simbahan na ipagpatuloy ang prusisyon dahil kumpiyansa naman umano sila sa kakayahan ng mga awtoridad.

Nangyari na rin naman umano noon na ipinagpatuloy nila ang aktibidad para sa pista ng Quiapo kahit may natatanggap na pagbabanta ng kaguluhan.

Natutuwa rin at labis ang pasasalamat ni Ignacio na bagamat inabot ng may 22 oras ang prusisyon ay wala namang naganap na kaguluhan at hindi nagtagumpay ang balak ng mga terorista na maghasik ng karahasan sa aktibidad.

Nasorpresa at nasiyahan rin ang parish priest dahil sa ipinakitang pananalig ng mga deboto na hindi nagpatinag sa banta ng terorismo at dumagsa pa rin sa Quiapo upang lumahok sa prusisyon.

Bumilib rin si Ignacio dahil kahit nagkaroon ng mga aberya ang prusisyon ay desidido pa rin ang mga deboto na matuloy at matapos ito.

“Nakita ko talaga ang sakripisyo at lakas ng namamasan,” ani Ignacio. “Ito na ang pinakamatagal na prusisyon at pinakamahirap, pinakamalaking dinanas ng namamasan na kaladkarin ang landas at napakahabang prusisyon,” aniya pa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply