Testigo ng prosekusyon umabot sa 93

MAHIGIT sa 93 testigo ang ihaharap ng prosekusyon sa may walong article of impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona na inihain sa Senado.

Sa isang press conference ngayon, kinumpirma nina Marikina Rep. Miro Quimbo at Aurora Rep. Sonny Angara na 93 ang kabuuang testigo na inihain na ng prosekusyon sa impeachment court ngunit hindi binanggit kung kabilang dito si dating pangulo at ngaon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Binanggit ni Angara na sa Article 1 o patungkol sa midnight appointee ay anim ang magiging testigo; Article 2 o iyong non-disclosure ng SALN ay 13 na testigo; Article 3 o ang hindi pagiging tapat ni Corona sa kaniyang sinumpaan ay 26 na testigo; Article 4 o ang ukol sa status quo anti-order sa impeachment ni dating Ombudsman Merceditas Gutierez ay pito.

Walo naman ang testigo sa Article 5 o tungkol sa pabali-baligtad na desisyon ng Supreme Court; Article 6 o ang paglikha sa Ethics Committee para linisin si Justice Mariano del Castillo sa plagiarism ay anim ang testigo; Article 7 o ang ukol sa Temporary Restraining Order upang makalabas ng bansa si Ginang Arroyo ay 22 testigo at sa Article 8 o ukol sa kwestyunableng Judicial Development Fund (JDF) ay lima ang testigo.

“Malayo pa po ang tatahakin natin dito sa paglilitis kaya humihingi kami ng kaunting liberality o kaluwagan sa ating presiding officer at sa ating korte. At nakikita po natin ay sensitibo rin sila sa ating mga kahilingan,” ayon kay Angara.

Samantala, dinepensahan ngayon nina Quimbo at Angara ang pagtulong at pagtayo sa plenaryo ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas bilang deputy lead prosecutor o katuwang ni Iloilo Rep. Neil Tupas.

Ayon kay Quimbo simula sa susunod na linggo ay magiging aktibo na si Fariñas sa plenaryo matapos itong magpahayag ng pagkadismaya sa itinatakbo ng paglilitis at pamamahiya sa prosekusyon.

Subalit nilinaw ni Quimbo na ang pagpalit ni Fariñas kay Tupas paminsan-minsan ay bahagi lamang ng pagtutulungan at hindi dahil sa mahina bilang lead prosecutor si Tupas.

Kasabay nito ay minaliit ng prosekusyon ang motion to inhibit na isinampa ng kampo ni Corona laban kay Senador Franklin Drilon.

Ani Quimbo, kahit mag-inhibit pa si Drilon, wala daw itong magiging epekto sa anumang resulta ng botohan ng mga senator-judge.

Idinepensa rin ni Quimbo ang senador sa pagsasabing ginagawa lang nito ang pagtatanong bilang bahagi ng kanyang tungkulin na maisapubliko ang katotohanan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply