The circus is now in town

OPO, yung circus na tinatawag nilang impeachment hearing ni Chief Justice Renato Corona ay magsisimula na ngayong araw.

Lahat ng klase ng daredevil, kenkoy at mga hayup ay siguradong mapanonood natin sa tinatawag nating main tent ng Senado.

Ang mga daredevil ay yung mga sangkatutak na witness galing sa kung saang mga lupalop at nais lang sumikat na magtatangka ng imposible, ang paniniwalain tayo na totoo ang kanilang mga sinasabi.

Ang mga kenkoy ay yung mga abogado sa magkabilang panig na walang gagawin kundi magpatawa gamit ang kanilang mga antigong pamamaraan ng pag-aabogado tulad ng “your honor”, “point of or-der”, “objection your honor” at “ito po ang katotohanan.”

At ang mga hayup ay ang mga miron sa paligid ng magkabilang panig na para bang nakatatakot silipin dahil baka tayo lapain sa kanilang kasisinghal, pero sa totoo lang puro mga maaamong duwag na ngayon lang nagsilutang dahil protektado sila ng batas.

Sa ngayon, ang tingin ng Free Spits sa prosesong ito ay isang malaking biro na malamang ay magwaldas lamang ng pera ng bayan. Perang mas makabubuti pang gamitin para sa mga naghihirap  sa Cagayan De Oro, Iligan at Compostela Valley.

Sabi ko nga, kung merong sensitivity ang magkabilang panig, ipagpaliban muna nila ang hearing na ito ng ilang linggo, para yung media mas matuunan ng pansin ang hirap sa mga nasalanta ng trahedya at ito ang maresolba kaysa sa isang political exercise na wala naman talagang direktang biyaya sa mamamayan.

At kung meron ding “sense of responsibility” ang makapangyarihang broadcast media, hindi na nila ipalalabas ng live ang pro-ceedings at bibigyan ng importansya muna ang mga nabanggit kong mga kababayan natin.

Pero ano ang aasahan mo sa mga politikong ito na nakikita na ang kanilang panalo sa eleksiyon sa 2013 dahil sa pagbibida nila sa impeachment hearing na ito.

Ano ang aasahan mo sa mga TV networks na pawang salapi lang ang nasa isip, di bale na kung wala silang tulong na naidudulot, basta makuha nila ang rating mula sa masa na sadya nilang ginagawang bobo sa klase ng programming nila.

Sa bandang huli, ano ang aasahan mo sa isang lupon ng mga nagsasabing pinuno sila pero ni hindi magawang unahin ang kapakanan ng naghihirap nilang mamamayan, bagkus ay ginagamit pa ito para sa kanilang ikayayaman.

Sige po, ituloy na lang natin ang circus na impeachment hearing na ito at patunayan natin sa buong mundo ang sinabi ni Phineas Taylor Barney o PT Barnum ng Barnum and Bailey Circus.

Ayon kay PT Barnum “there is a sucker born every minute.”

At sa totoo lang, sa bansa natin hindi lang kada minuto kundi kada segundo ito.

Tingnan niyo na lang ang resulta ng ratings ng impeachment hearing para malaman ang katotohanan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply