Tila, ‘di handa ang prosecution

DALAWANG linggo nang sinusubaybayan ni Mang Juan ang isinasagawang impeachment kay Chief Justice Renato Corona.

Sa bawat araw ng paglilitis, nakatanghod ang  sambayanan sa balitaktakan ng mga judge-senator, prosecution at depensa.

Maayos ang takbo ng proseso dahil sa magaling na pagganap ng mga judge-senator sa kanilang nakaatang na trabaho.

Lalo na si Sen. Juan Ponce Enrile na palaging nakasingit kapag may napupunang nanlalamang sa prosecution at depensa.

Ilang saksi na ang i-prinisinta ng prosecution na sinasalungat ng depensa kapag sa paningin nila’y ‘di  naaayon sa impeachment rule.

Inaasahan natin na sa maiksing panahon ay matatapos ang impeachment trial at malalaman kung maparurusahan si CJ Corona.

Ngunit sa  takbo ng paglilitis, pakiwari natin eh aabutin ito ng siyam-siyam at mapupurnada ang inaasahan ng sambayanan.

Ang mga prosecutor ay palaging nababara ng mga senator-judge, partikular nina Sen. Enrile at Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Ito’y, dahil ang prosecution ay tila, ‘di nakahanda sa kanilang trabaho para ma-impeach at mapatalsik si CJ Corona sa puwesto.

At tila, ‘di rin sila nagkakaisa.

Halimbawa nito ay nang mag-walk out si Ilocos Norte Congressman-prosecutor Rudy Fariñas.

Kitang-kita ang galit ng butihing mambabatas dahil – kahit gusto na nitong tumayo at magsalita ay ayaw pa rin siyang i-recognize.

Mabuti na lamang at nakumbinsi pa ng mga kapwa niyang prosecutor na manatiling miyembro ng prosecution team.

Para mapatid ang galit, ginawa nilang deputy prosecutor ang kongresista.

Parang bata na huminto sa kaiiyak matapos bigyan ng candy.

Sa panig ng depensa, aba’y wala kang itatapon sa mga magtatanggol kay CJ Corona dahil ito’y puro ‘abo-gado de kampanilya’.

Si dating Justice Serafin Cuevas, nakuh eh, ‘di matatawaran ang galing ng mamang ito dahil beterano at magaling na manananggol.

Sa tingin natin – kung nais ng prosecution na ma-impeach ang chief justice, kailangan siguro silang maghanda.

Dahil kapag nagkataon, malaking kahihiyan ang  ipinamukha n’yo kay Pangulong Noynoy Aquino.

‘Yan ang hindi dapat na mangyari.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply