Tindahan

BIHIRA na ngayon ang sari-sari store o maliliit na tindahan. Tila tinalo na ang mga ito ng mga higanteng supermarket katulad ng SaveMore, Hypermart at Puregold.

Mapapansin ang pagdami ng mga ito maski sa loob ng mga residential area kaya naman nalugi na ang mga maliliit na tindahan.

Pero iba ang pagkalugi ng tindahan ni Aling Maring. Malapit sa isang subdibisyon ang tindahan ni Aling Maring. Dati siyang labandera sa loob ng subdibisyon kaya naman may mga suki siya sa loob.

Isa dito si Mam Paz. Sa halip na mamili sa mga higanteng supermarket ay sa tindahan ni Aling Maring siya namimili. Libo rin ang pinamimili ni Mam Paz kaya kumikita ang tindahan ni Aling Maring sa kanyang suki. Ang katwiran nga ni Mam Paz ay “Mayayaman na ang may-ari ng mga higanteng supermarket, bigyan naman natin ng pag-asa na maghanapbuhay ng marangal ang mga maliliit, kawawa naman.”

Ngunit isang araw, nadala ng tukso si Aling Maring. Tinaasan niya ang presyo ng kaniyang mga tinda. Katwiran niya na mas malaki ang tutubuin niya sa suking si Mam Paz. Kaya naman noong bumili ang kasambahay ni Mam Paz ay nagkulang ang perang pinadala niya.

Nagtaka si Mam Paz kung bakit nagkulang ang perang pinadala niya at sinisingil ni Aling Maring kaagad ang kulang. Nalaman ni Mam Paz na tinaasan ni Aling Maring ang presyo ng kanyang mga paninda. At grabe pa ang tinaas niya! Binayaran pa rin ni Mam Paz ang kulang niya kay Aling Maring.

Lumipas ang maraming araw at hindi na bumili si Mam Paz sa tindahan ni Aling Maring.

Nalaman ni Aling Maring na simula noong tinaasan niya ang presyo ng bilihiin ni Mam Paz ay nagtampo ito at hindi na muling bumili sa tindahan niya. Dahil dito, nalugi ang maliit na tindahan ni Aling Maring.

Sa buhay, kailangang pangalagaan natin ang biyayang natatanggap natin. Maliit man ito ay dapat nating ipagpasalamat. Hindi masama ang maghangad ng mas maraming biyaya, huwag lang tayong manlamang sa ating kap-wa o abusuhin ang kanilang kabaitan sa atin.

* * * * *

PAKIKIRAMAY. Nais kong makiramay sa pamilya ng yumao kong kaibigan na si MAR TIANO. Si Mar Tiano ay isang consultant ni Speaker Sonny Belmonte, past president ng Rotary Club, founder ng isang political movement, ang ONE MOVEMENT. Nawa’y makapiling niya ang Dakilang Lumikha sa buhay na walang hanggan. GOD BLESS!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply