Tinedyer sinuwag ng trak, tigbak

TODAS ang isang 14-anyos na lalaki makaraang “suwagin” ng isang trailer truck habang tumatawid sa kahabaan ng Edsa, Balintawak, Quezon City kaninang madaling araw.

Kinilala ni chief inspector Rey Medina, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit Traffic Sector 1 Balintawak, ang biktima na si Remar Del Monte, binata at residente ng 1177 Old Samson Road, Balintawak, Q.C.

Si Del Monte ay namatay noon din dahil sa matinding pinsala na tinamo matapos mahagip ng trak.

Sumuko naman ang suspek at drayber ng trak (PDQ-282) na si Badao Marcelino, 34, binata at taga-Torsillo St., Caloocan City.

Ayon sa awtoridad, naganap ang insidente dakong 2:40 kaninang madaling-araw sa kahabaan ng Edsa South Bound sa harap ng Balintawak Market foot bridge.

Sinabi ni SPO1 Pablito Pagtalunan, traffic investigator, na tumatakbo umano ang biktima nang biglang mahagip ng trailer truck na minamaneho ng suspek.

Nakikipaghabulan umano ang biktima sa ilang grupo ng mga kabataan na umano’y kaaway nito at hindi nakita ang paparating na trak habang tumatawid.

Nakapaiit na ngayon ang suspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply