Total ban sa paputok ipatutupad na ng DoH

PINAG-AARALAN na ng Department of Health ang pagpapatupad ng total ban sa paputok dahil sa panganib nito sa kalusugan at kalikasan.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang total firecracker ban ay nangangahulugan na hindi na maaaring gumamit ng paputok ang mga indibidwal upang makaiwas sila sa panganib na dulot ng paputok.

Partikular na nais na pagbawalan ng kalihim na gumamit ng firecrackers ang mga batang nagkakaedad ng 15 pababa.

Nauna rito, nakapagtala ang DOH ng 454 katao na nasugatan dahil sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa taong 2012 na mas mababa ng 13% kumpara sa bilang ng naitala noong nakaraang taon.

Gayunman, hindi pa rin nasisiyahan dito si Ona.

Dismayado rin ang kalihim sa kanilang kampanya lalo na’t karamihan pa rin sa mga nabiktima ay mga paslit na nagkakaedad lang ng 10 pababa.

Maging ang mga ligal na paputok tulad ng kwitis, trianggulo at sparklers ay naging sanhi rin ng pagkasugat ng mga indibidwal kaya labis aniya silang nababahala rito.

Sinabi ni Ona na dapat mga lokal na pamahalaan na lang ang payagang gumamit ng firecrackers upang matukoy ng mga ito ang mga lugar kung saan dapat payagan ang fireworks display.

Giit ng Kalihim, ang ‘unchecked firecracker use’ ay mapanganib sa indibidwal at nagiging sanhi din ng polusyon sa hangin at respiratory illnesses.

Nilinaw naman ni Ona na dapat pag-aralang mabuti ang firecracker ban dahil maaapektuhan nito ang mga local producer ng firecrackers, ngunit dapat din aniyang bantayang mabuti ng pamahalaan ang produksyon ng fireworks at tiyaking ligtas ang mga ito.

Suportado naman nina Senate Majority Vicente Sotto III at Senador Chiz Escudero ang isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources at DOH na total ban sa paggamit ng firecrackers.

Ayon kay Sotto, matagal na sanang isinulong ng DENR at DOH ang total ban sa  firecrackers dahil taon-taon ay maraming nabibiktima ng paputok dagdag pa ang mga idinudulot nitong sunog at matinding polusyon sa tuwing  sinasalubong ang bagong taon.

Sa panig naman ni Escudero, meron itong kondisyon sa pagsuporta sa panukalang total ban sa paggamit ng firecracker.

Ayon kay Escudero dapat may ihandang transition o alternatibong  trabaho ang gobyerno sa mga manggagawa na umaasa sa paggawa ng paputok.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply