Trahedya sa Compostela

HINDI pa tayo nakababangon sa malagim na trahedyang dala ng bagyong Sendong ay bumulaga na naman ang isa pang trahedya.

Habang isinusulat ko ito ay iniuulat na napakarami nang namatay, bukod pa sa mahigit 100 na hinahanap na nawawalang iba pa.

Nangyari ang sakuna habang mahimbing na natutulog ang mga biktima sa kanilang mga tahanan sa Compostela Valley.

Ang Compostela Valley ay isang lugar sa Mindanao na sobrang nasasalaula na sa pagmimina dahil  mayaman ito sa ginto.

At ang ‘di masawasawatang operasyon ng minahan ang itinuturong salarin sa likod ng landslide na nagdulot ng trahedya.

Ang lugar ay isa sa landslide-prone area sa Mindanao sa listahan ng Department of Environment and Natural Resources.

Ipinagbawal na ito noon pang 2008 sa informal settlers para makaiwas sa maaaring malagim na trahedyang idudulot nito.

Nguni’t sa kabila ng babala, itinirik pa rin ng mga biktima ang kanilang mga bahay sa lugar, ayon sa Compostela officials.

Kung sana’y pinakinggan ang warning ng DENR, sana’y walang mga nagbuwis ng buhay at wala rin sanang mga nabaon nang buhay.

Sana, ang nangyari sa Compostela Valley ay magsilbing babala sa mga kababayan natin na nakatira pa rin sa mga binabaha at landslide prone areas.

At sana’y magsilbi rin itong ‘dahilan’ para magising ang pamahalaan at kumilos nang mahinto na ang pagsasalaula sa yaman ng ating kalikasan.

Dahil kung patuloy ang kaliwa’t kanang operasyon ng minahan, darating ang araw na pagbabayaran natin ito.

Ngayon nga, eh, ipinakikita na ng kalikasan ang galit at ngitngit sa pamamagitan ng malalakas na bagyo na nagdudulot ng baha.

Kapag bumagyo ng malakas at bumaha ng napakataas, perwisyo ang dulot dahil kumukuha ito ng buhay at sumisira ng ari-arian.

Ang lahat ng nagaganap sa kasalukuyan na hindi natin naranasan noon ay dulot ng nasirang kalikasan, ayon sa mga expert.

Para ‘di maulit pa ang Compostela incident , dapat ay kumilos ang pamahalaan. Ihinto na ang sobrang pagsasalaula sa kalikasan at kapaligiran.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply