Triad pinaniniwalaang nasa likod ng shabu lab

MALAKI ang paniniwala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na miyembro ng Triad ang mga Chinese national na nag-o-operate ng dalawang shabu laboratory na sinalakay ng ahensiya sa Ayala Alabang sa Muntinlupa City.

Ayon kay PDEA Director General Jose Gutierrez, Jr., malaki ang posibilidad na konektado sa isang malaking organisasyon ang nagpapatakbo ng shabu lab dahil kaya nilang umupa ng bahay sa mga ekslusibong subdibisyon.

Nauna nang narekober ang tatlong kilo ng shabu at iba pang sangkap at kemikal sa paggawa nito sa loob ng ni-raid na bahay sa Kanlaon Street na nagkakahalaga ng may P10 hanggang P11 milyong piso.

Natagpuan din ang kahun-kahong gamot gaya ng Novahist-D na isang pseudo-ephedrine drug na ginagamit na nasal decongestant, sa pangalawang bahay na sinalakay ng PDEA sa Countryside Street.

Ani Gutierrez, napakakrtikal aniya ng pseudo–ephedrine o ephedrine na sangkap na kemikal sa paggawa ng methamphetamine.

Aalamin ng PDEA kung paano nakapasok sa naturang village ang mga gamot na sinasabing gawa sa Pakistan.

Matatandaang noong isang linggo lamang ay nilusob din ng PDEA ang lugar kung saan isang shabu laboratory din ang ni-raid nila ngunit sa ikalawang pagkakataon ay nakapagtataka aniyang wala ni isa mang tao na natagpuan ang mga operatiba sa isinagawang operasyon.

Hinihinala ng PDEA na nagsialisan na ang mga occupant sa dalawang bahay matapos silang maalerto sa naunang operasyon ng ahensiya.

Kaugnay nito, naghigpit ngayon ng seguridad ang village association matapos ang pangyayari sa tatlong bahay sa loob ng subdibisyon.

Ayon kay Alfred Burgos, punong barangay sa Ayala Alabang Village, na nagsisilbing guardian security ng village, rerepasuhin na nila ang proseso ng pagpapaupa ng mga tenant at mga ahente na sangkot.

“Ang usapan namin maging vigilant sila, especially yung mga foreign nationals na nagre-rent dito para madali nating matuntuon, especially yung ang bahay ay located yung likuran sa may creek,” ani Burgos. Alex Ching

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply