Walang ‘K’ si Col. Rosauro Aceo

PAKIWARI natin, walang karapatan (K) si S/Supt. Rosauro Aceo para tumagal bilang director ng Batangas police office.

Bakit kanyo?

Eh, napakatagal na ang mama sa kanyang puwesto pero wala tayong makitang accomplishment na kanyang maipagmamalaki.

Mula noong umupo ito bilang Batangas PD, tila, wala nang inatupag ang kanyang liderato kundi magpalago ng iligal vices.

At ang masama, ang mga bisyong ito ang naging mga dahilan ng mga patayan sa lalawigan.

Agawan sa pagkontrol ng sugalan ang ugat ng barilan. At ang nakapagtataka, ‘di kumikilos si PD para mahinto ang krimen at sugalan.

Noong nakaraang taon, napakaraming reklamo ang natanggap ng Chokepoint tungkol sa sugalan at patayan  sa probinsya ni Gov. Vilma Santos – Recto.

Pero sa buong panahon na nariyan si Col. Aceo sa Batangas, wala tayong nabalitaan na inisyatibo para isagawa ang kanyang trabaho.

Ngayon ay 2012 na, baka naman magkaulirat na si colonel at gampanan na niya ang kanyang responsibilidad bilang PNP director sa lalawigan.

Ngayon, hinahamon natin muli si Col. Aceo na pahintuin niya ang operasyon ng isang ‘Jay Ilagan’ na may control ng STL-con jueteng sa Batangas.

Sadya raw nakaaapekto ang malawak na operasyon ng STL bookies sa buhay ng maraming Batangueño na nalululong na sa sugal na ito.

Nakaaadik na at ang nakikitang paraan ng mga nababahalang barangay leaders  ay mahinto ang sugal na ito.

Nakaaapekto ang bisyong ito – in the sense na – pambili na lamang daw ng bigas ay itinataya pa sa STL-con jueteng.

Ang temtasyon sa pagtataya ay napakataas din dahil ang mga STL bookies collector ay umiikot sa mga bahay-bahay.

Kaya nalululong ay nais ng mga mananaya na manalo at makabawi, ngunit habang tumatagal ang kanilang pananaya, lalo naman silang nababaon sa talo.

Dahil ang katotohanan, dinaraya lang sila ni Jay Ilagan, ayon sa mga nakausap nating mga pulis.

Ang patuloy na pagkalulong ng mga Batangueño sa STL bookies ay mahihinto kung mahihinto rin ang operasyon ni Ilagan na ang sentro ng ope-rasyon ay ang lungsod ni Lipa Mayor Meynardo Sabili.

Tingnan natin kung kikilos si Col. Aceo at Mayor Sabili.

Abangan!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply