Walang anomalya sa paglilipat ng pondo ng OWWA sa PhilHealth– Duque

NANININDIGAN si dating Civil Service Commission (CSC) chairman at dating Health Secretary Franciso Duque, na walang anomalya sa ginawang paglilipat ng mahigit P500 milyong pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa PhilHealth noong Pebrero 2004, dalawang buwan bago ang presidential elections noong Mayo 2004.

Ipinaliwanag ni Duque na nailipat ang nasabing pondo noong 2005, halos isang taon matapos ang 2004 elections.

Iginiit ni Duque na walang maling nakita ang Commission on Audit (COA) sa paglilipat ng pondo mula OWWA patungong PhilHealth na laan para sa medical benefits ng mga overseas Filipino worker (OFW).

May pinagbatayan din aniyang batas ang naturang paglilipat ng pondo.

Kaugnay nito, dismayado naman si dating solicitor general Frank Chavez sa inilabas na resolusyon ng Department of Justice (DOJ) na nagrerekomendang kasuhan ng technical malversation si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at tatlong dating opisyal ng gobyerno.

Sinabi ni Chavez na maghahain siya ng partial motion for reconsideration sa naturang resolusyon dahil naniniwala siyang plunder ang dapat isampang kaso sa grupo ng dating Pangulo.

Paliwanag ni Chavez, ang kasong technical malversation ay para lamang sa mga kasong pagwaldas ng public fund.

Isa umano itong technical error dahil ang isinampa nyang kaso ay kaugnay sa iligal umanong paggamit ng pondo ng OWWA na isang private fund na hinahawakan lamang ng gobyerno.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply