Wikang Filipino, gagamitin ng prosekusyon bukas

SA PAGPAPATULOY ng impeachment trial bukas (Martes, Enero 24) laban kay Chief Justice Renato Corona ay sisimulan na ng prosekusyon na gamitin ang wikang Filipino upang mas maunawaan ito ng nakararaming Pinoy.

Ito ang kinumpirma nina Aurora Rep. Sonny Angara, tagapagsalita ng prosekusyon at  Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) Party-list Rep. Sherwin Tugna, miyembro ng 11-man prosecution panel.

Bagama’t mahirap din anila na isalin sa Tagalog ang ibang mga ligal na termino (legal terms) ay pipilitin pa rin nila itong ipaliwanag sa mas mababaw na salita kung saan kahit ang mga ordinaryong tao ay maiintindihan ito.

Paliwanag pa ng mga mambabatas na isa sa maaari nilang gawing Filipino ay ang paraan ng pagtatanong sa mga testigo gayundin ang pakikipag-debate sa depensa.

Ang reaksyon ng mga mambabatas ay kaugnay sa mungkahi ni Malolos Bishop Jose Oliveros na ang dapat gumamit ng Filipino ang mga abogado ng magkabilang panig at mga senator-judges upang mas maintindihan ng publiko ang pagdinig sa impeachment.

Samantala, tiwala naman si AKO BiCOL Party-list Rep. Rodel Batocabe na positibo ang epekto ng impeachment trial sa mga kongresista.

Dahil ito aniya ay naging daan upang mapalakas ang sistema ng check and balance sa bansa na dapat ay gawin na rin sa ibang pulitiko.

Sinuportahan naman ito ni Akbayan Party-list Rep. Walden Bello sa pagsasabing tiwala ang mga mambabatas na sumusubaybay sa impeachment na patas si Senate Presisdent Juan Ponce Enrile at ang mga hukom ng Senado hanggang sa huling pagdinig.

Sa panig naman ni ACT Party-list Rep. Antonio Tinio, malaki na ang inilamang ng prosekusyon kontra depensa matapos ang pagpapalabas ng SALN ni Corona dahil naipakita aniya ang malaking pagkakaiba nito sa mga naipalutang na titulo ng lupa at ari-arian maging ang nabunyag na posibleng mga ill-gotten wealth nito.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply