‘Mga Pinoy na papasok sa ‘Au Paris’ ‘di kabilang sa OFW list– DFA

SINABI ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi maaaring ikonsidera bilang mga overseas Filipino worker (OFW) ang mga Filipinong papasok sa programang ‘Au Pairs’ na ipinatutupad sa mga bansa sa Europa.

Sa isang kalatas, nilinaw ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na hindi na kailangan pang dumaan sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang sinumang nais pumaloob sa nasabing programa.

Batay sa programa, ang ‘Au Pairs’ ay isang cultural exchange na kasunduan na magbibigay sa mga Pinoy na may edad 18 hanggang 30  taong gulang, ng pagkakataon na makisalamuha sa isang pamilya sa bansang Switzerland, Norway at Denmark sa loob ng dalawang taon.

Mamumuhay ang nasabing Pinoy kapantay ng pamilyang kumuha sa kanya at gagampan ito sa mga pinagkasundang tungkulin sa bahay tulad ng pag-aasikaso sa mga bata at paggampan ng mga tungkulin sa bahay.

Bagama’t walang tatanggapin buwanang sahod, tatanggap naman ng monthly allowance ang mga papasok sa programang ‘Au Pairs,’ dagdag pa ng DFA.

Sa pag-alis sa Pilipinas, tanging ang kontrata na pinatotohanan ng embahada o konsulado ng Pinas sa bansang pupuntahan, pasaporte na may balidong “au pair visa” at sertipikasyon mula sa Commission on Filipino Overseas (CFO) ang ipapakita sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa mga pambansang paliparan.

Binalaan din ni Del Rosario ang mga recruitment agency na maaaring magsamantala sa nasabing programa na mahigpit na mamatyagan ng embahada at konsulado ng Pilipinas sa mga bansa sa Europa ang programa upang matiyak na hindi nalalabag ang karapatan ng mga Pinoy na papasok sa programa..

Pinaalalahanan din ng kalihim ang mga kababayan na nais pumaloob sa programa na hindi na kailangan pang dumaan sa mga nagpapanggap na tagapamagitan dahil pinaikli na ng pamahalaan ang mga dokumentong kailangan.

Ang ‘Au Pairs’ ay ipinatigil ng pamahalaan noong 1998 kasunod ng mga natanggap na reklamo ng pang-aabuso sa mga Pinoy.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply