‘Pag binubuenas nga naman

UMAGA pa lamang noong Martes, habang papasok sa opisina, ay nakikinita ko na kung gaano ka-traffic sa oras ng pag-uuwian.

Alam ko ito, sa kabila ng sinasabing paghahanda ng Metro Manila Development Authority (MMDA) upang maging maayos at hindi lubhang makaperwisyo sa trapiko ang malakihang gawain ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand sa Maynila.

Ang sabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino ay 1,200 pulis, traffic personnel at bumberong aayuda sa pamamahala ng trapiko.

May meeting pa naman ako kay Ka Bren Sayasa, secretary-general ng TRANSPORTER.

Hindi ko ugaling mahuli sa isang appointment. Ang ginawa ko nga ay maaga akong umalis sa opisina. Alas-tres ng hapon pa lamang. Tamang-tama, sabi ko sa sarili, dahil ala-singko ng hapon naman ang aking appointment.

Alas-tres y media na ay wala pa akong masakyan sa inaabangan kong lugar sa tapat ng Lawton.  Ang ibig sabihin, masikip na ang Taft Ave. kaya’t walang makadaang dyipni o bus na bumibiyahe sa Quezon City.

Kinabukasan ko na lang napag-alaman na umabot na pala sa Cuneta Astrodome ang haba ng mga nakaparadang sasakyan ng mga miyembro ng INC.

Naisip kong mag-LRT. Bababa na lamang ako sa Roosevelt Ave. sa Quezon City at mula roon ay magdadalawang sakay pa ako upang makarating sa West Ave., kung saan kami magkikita ni Ka Bren.

Nagsisiksikan sa malapad na hagdanan ng LRT ang mga nagnanais makarating sa paroroonan. Makikisiksik pa ba ako? Napagpasyahan kong ‘wag na lang.

Lakad ako hanggang sa Quezon Bridge, desididong lumakad na lamang hanggang sa Quiapo kahit mainit pa ang sikat ng araw.

“Siguro naman ay may masasakyan na ako doon,” umaasa akong nasambit. Marami-rami na ang naglalakad; nawalan na rin ng pag-asang may pampublikong sasakyan na daraan na may espasyo pa upang masakyan. Sumabay na ako sa kanila.

Tatawid na sana ako sa tulay nang sa gilid ng aking mata ay mapansin kong may dyipning nag-u-turn. Philcoa!

Isa ako sa mga unang nakasakay sa walang-lamang dyipni. Thank you, Lord, naibulong ko.

Pero ako ay kabilang sa iilang nakasuwerte noong araw na iyon. Tiyak, mas marami ang may nakaiiyak na kwento.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply