10 milyon Filipino Pag-IBIG member na

UMAABOT na sa sampung milyong Pilipino ang kasapi ng Home Development and Mutual Fund o mas kilala sa tawag na pag-IBIG, kasama na ang mahigit sa 1 milyon overseas Filipino workers (OFWs).

Sa isang kalatas, sinabi ni Vice President Jejomar Binay na tumaas ng 105 porsiyento ang mga Pilipinong sumapi sa ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng kagyat na tulong sa mga kasapi nito, tulad ng pabahay, edukasyon, multi-purpose loan at emergency loan para sa mga kasaping naging biktima  ng kalamidad.

Ipinagmalaki pa ni Binay na tumaas din ang bilang ng mga OFW kasapi ng institusyon, mula sa 773,336 noong 2010 sa 1,503,339 noong 2011.

“Napakagandang balita na ang membership ng Pag-IBIG Fund ay lumagpas na sa sampung milyon, ang pinakamataas na bilang sa buong kasaysayan ng ahensiya,” pahayag pa ni Binay sa ginanap na pagpupulong ng tanggapan noong Martes.

Gayunpaman, pinaalalahan din ni Binay ang mga opisyal at empleyado ng Pag-IBIG na hindi lamang natatapos sa paghihikayat ng mga bagong kasapi ang kanilang tungkulin sa bayan.

“Kailangang maipakita natin – at kailangang maramdaman nila – ang kabuluhan ng pagiging isang Pag-IBIG member,” ani pa ni Binay.

Aniya, dapat maipadama ng institusyon sa mga kasapi ang kanilang tapat at walang kinikilingang paglilingkod, anumang oras at sa anumang bahagi ng mundo.

Kabilang sa serbisyong ibinibigay ng Pag-IBIG ay ang anim na buwang pagtigil ng bayad sa pabahay sa mga kasaping naging biktima ng pag-aalsa sa Gitnang Silangan at ang naganap na kalamidad sa Japan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply