10 milyon turista target ng DoT

UMAASA ang Department of Tourism (DOT) na aabot sa 10 milyon ang turistang papasok sa Pilipinas sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Benigno Aquino sa 2016.

Sa isang kalatas, sinabi ni Tourism Secretary Ramon Jimenez na ngayong naresolba na ang mga problema sa mga imprastraktura at nailatag na ang patakaran kung papaano maisusulong ang turismo sa bansa, malaki ang kanilang kumpiyansya na matatamo ng pamahalaan ang posisyon bilang isa sa mga pangunahing pasyalan hindi lamang sa Southeast Asia, kundi sa buong mundo.

Inihayag din ni Jimenez na naging maganda ang pagtanggap ng merkado sa inilunsad na ‘Its More Fun in the Philippines,’ patunay dito ang paglaganap ng kampanya sa iba’t ibang social networking sites.

Ayon pa kay Jimenez, ang aktibong partisipasyon ng taumbayan sa kampanya ay magdudulot ng positibong reaksyon para lalo pang maibenta ang Pilipinas bilang tourist destination at investors haven.

Sinabi pa ng kalihim na na umabot sa 3.917M ang dayuhan at balikbayan na pumasok sa bansa noong isang taon, mas mataas ng 11 porsiyento sa 3.520M na turistang bumisita noong 2010. Mas mataas din ito sa 3.7M na target ng DOT.

Sa taon 2011 na datos, patuloy ang pangunguna ng mga Korean national sa pagbisita sa bansa kung saan umabot sa kabuuang 925,204 ang mamamayan na nagpunta sa Pilipinas.

Nagpunta rin sa bansa ang 624,527 mamamayan ng Estados Unidos, ang ikalawang pinakamalaking merkado sa larangan ng turismo.

Sa hanay ng mga bansa sa Asya, hindi rin kinalimutan ng mga Japanese national ang Pilipinas bilang destinasyon matapos na umabot sa kabuuang 375,496 ang bumisita sa bansa, habang 243,137 naman ang mga Chinese national.

Umarangkada rin ang bilang ng mga Taiwanese national na nagtungo sa bansa noong isang taon, matapos umabot sa 181,738 ang bilang ng mamamayan nito na bumisita.

Hindi rin naging negatibo ang epekto ng naganap na Luneta hostage crisis noong isang taon para kalimutan ng mga HongKong national ang Pilipinas sa mapa ng turismo makaraang umabot sa kabuuang 112,106 ang mga mamamayan na pumasyal sa bansa.

Sa buwan ng Disyembre lumitaw ang pinakamaraming turistang pumasok sa Pilipinas sa bilang na 394,567 habang 337,021 turista naman ang bumisita noong Nobyembre, mas mataas ng 19.80% sa kaparehong buwan noong 2010.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply