10 year fixed term sa bgy. officials isusulong

NAIS bigyan ng sampung taong tuluy-tuloy na pagsisilbi sa kanyang nasasakupan ang mga opisyal ng barangay sa buong bansa.

Ito ang nilalayon ng panukalang batas na inihain ni Rep. Pedro Romualdo (Lone District, Camiguin), House Bill 5724, na amyendahan ang Local Government Code upang magkaroon ng permanenteng petsa ng halalan ang mga nasa lokal na pamahalaan at mabigyan ng five-year fixed sa loob ng dalawang magkasunod na termino.

“Lalabas na 10 taon ang dalawang magkasunod na termino at magiging sapat na ang panahong ito upang magampanan ng bawat opisyal ng barangay ang kanilang tungkulin,” paliwanag pa ni Romualdo.

Kung tuluyang maisasabatas ang panukala bago matapos ang 15th Congress, nakatakdang ipatupad ang halalang pangbarangay sa Oktubre 2015 at gagawin na kada limang taon.

Sa kasalukuyang batas, sa ilalim ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of the Philippines, mayroon lamang tatlong taon ang termino ng barangay officials at maaari lamang magsilbi ng hindi lalampas sa tatlong termino.

Ayon pa kay Romulado, ang barangay officials ang nagsisilbing frontliners o pangunahing nagpapatupad ng mga batas ng bansa maging ito man ay polisiya at programa na mula sa national o local government.

Dapat aniya ay  mabigyan ang mga opisyal ng barangay ng sapat na panahon at pagkakataon upang makapagsilbi sa kanilang nasasakupan at ito ay sa pamamagitan ng pagpapalawak sa kanilang termino.

Batay sa panukala, walang sinumang opisyal ng barangay ang maaaring makapagsilbi ng hihigit pa sa dalawang magkasunod na termino.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply