OFW nakulong ng walang naisasampang kaso sa Qatar pinasusubaybayan sa PHL embassy

HINILING ng grupong Migrante sa embahada ng Pilipinas sa Doha, Qatar na subaybayan ang kaso ng overseas Filipino worker (OFW) na limang buwan ng nakakulong ng walang kasong isinasampa laban sa kanya.

Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East (M-ME) mismong ang mga kaanak na ni Efren Latras, Jr. ang lumiham kay Ambassador Crescente Relacion na humihiling na pagkalooban siya ng ligal na tulong dahil hanggang sa kasalukuyan ay nagdurusa ang biktima sa bilangguan ng wala pang nakasampang kaso.

Ipinaliwanag naman ni Ambassador Relacion, na may pinagbabatayang batas sa Qatar na maaaring manatili sa kulungan ang isang inaakusahan ng hanggang anim na buwan hangga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon at sa oras na magtapos ito’y may kapangyarihan ang hukom na palawigin pa ito o iutos na ang pagpapalaya.

Si Latras, kasama ang dalawa pang OFW ay isinasangkot sa naganap na pagkamatay ng isa ring OFW na si Edilyn Buno Mirasol na natagpuang nakabigti sa roof top ng inuupahang apartment noong Setyembre 8 ng nagdaang taon.

Iginiit ng pamilya ni Latras na hindi nasangkot sa anumang krimen ang kanilang kaanak sa Pilipinas dahil bukod sa pagkakaroon ng mababang loob ay wala rin siyang rekord na nakipag-away man lamang sa kanyang mga kasamahan sa trabaho.

Naniniwala ang asawa at mga anak ni Latras na hindi magagawa ng lalaki ang ibinibintang na pagpaslang sa kasamahan sa trabaho kaya’t humihingi sila ng ayuda sa embahada upang matulungan ang OFW.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply