Bangkay ng OFW na natagpuan sa tabing dagat sa HK naiuwi na

NAIUWI na kahapon ng hapon (Pebrero 24) ang labi ni Rowena Gloria Gomez, ang 34-taong gulang na overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang walang buhay sa tabing dagat sa Hong Kong.

Ito ay dumating dakong alas-2:45 ng hapon sa Ninoy Aquino International Airport terminal 2 lulan ng Philippine Airlines flight PR-301.

Nasa paliparan ang ina ng OFW na nakilalang si Mrs. Lucia Gomez at ilang opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration na nangasiwa sa pasilitasyon ng bangkay ng OFW.

Ayon kay OWWA administrator Carmelita S. Dimzon, natagpuan ang bangkay ng OFW sa tabing dagat malapit sa bahay ng kanyang amo sa Shau Kei Wan sa Hong Kong noong Feb. 5.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya sa dating British Crown Colony, wala pa silang official findings hinggil sa mga dahilan ng pagkamatay ng domestic helper.

Ayon pa sa OWWA, ang autopsy report na manggagaling sa Hong Kong ay inaasahang aabot ng ilang buwan.

Pero tiniyak ni Dimzon bilang aktibong miyembro ng OWWA, ang beneficiary ni Gomez ay makakatanggap ng death benefits na P200,000 kung mapapatunayang namatay ito sa isang aksidente; P100,000 kapag namatay sa isang natural cause.

Bukod dito, may karagdagang P20,000 na matatanggap ang mga naiwan ng OFW bilang burial benefit.

Maari ding kumuha ng Education and Livelihood Assistance Program ang pamilyang Gomez kung mayroon silang kwalipikadong dependent para sa scholarship:

-P5,000 per school year para sa elementary level
-P8,000 para sa high school
-P10,000 sa kolehiyo
-Livelihood assistance na nagkakahalga ng P15,000 para sa surviving parent  (B.L. Vergara)

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply