15 terorista patay sa airstrike

NAGULANTANG kaninang alas-3:00 ng madaling-araw ang mga terorista nang bombahin ang kanilang kuta sa Barangay Duyan Kabau, Parang, Sulu.

Ito ay matapos ang masusing pagmamanman na ginawa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa teroristang grupo mula noong Oktubre 30, 2011.

Ayon kay Lt. Col. Randolph Cabangbang, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (Westmincom), 30 terorista kabilang ang anim na dayuhan na miyembro nang Jemaah Islamiah ang dumating sa Sulu noong Disyembre.

Ayon pa sa opisyal ng militar, nakipag-ugnayan sila sa mga residente ng Sulu para makiisa sa kanila sa pagtitimbre at sa agarang paglilikas sa oras na magkaroon ng operasyon laban sa mga ito.

Tulog pa raw ang ibang terorista sa kanilang tents sa bulubunduking kuta nila nang ito ay paulanan ng mga bomba ng militar.

Tatlo sa apat na bombang ibinagsak mula sa dalawang OV-10 ng Air Force matagumpay na na-target ang nasabing kuta ng mga terorista.

Umabot sa 15 terorista kabilang ang isang lider nang Abu Sayyaf (ASG) at dalawang dayuhan naman na miyembro ng Jemaah Islamiah ang agad na nasawi.

Matapos bumulagta ang mga patay na terorista, nagpulasan ang hindi bababa sa 20 bandido ng Moro National Liberation Front (MNLF) na grupo ni Commander Ahadun Adak.

Bunsod nito, patuloy ang pursuit operations sa mga nakatakas na bandido habang nagsasagawa na rin ng clearing operations sa pinangyarihan ng pagpapasabog.

Inaasiste naman nang lokal na pamahalaan ang mga mga residente sa paligid ng pinangyarihan ng operasyon.  Anthony Vargas

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply