17 todas sa diarrhea sa Sorsogon

UMABOT na ngayon sa 17 ang iniulat na namatay dahil sa sakit na diarrhea sa Sorsogon.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia na hindi cholera ang naging sanhi ng pagkamatay ng kumpirmadong 17 mga Sorsogañon kundi dehydration o kawalan ng tubig sa katawan at acute renal failure dahilan sa pagdanas ng mga ito ng diarrhea o pagtatae.

Maliban sa 17, mayroon pang iniulat na isang kaso na inaalam ng mga tauhan ng health office subalit pinatunayan din ni Dr. Garcia na tatlong lugar sa Sorsogon ay may nagpositibo sa cholera, ngunit naagapan ang mga ito.

Ayon pa kay Garcia, mula Oktubre 2011 hanggang Enero 2012 ay mahigit na sa 200 pasyente mula sa iba’t ibang bahagi ng Sorsogon ang isinugod sa ospital sanhi ng pagtatae. Sa kanilang datos, walang naitalang namatay noong 2010 subalit noong 2011, walo ang naitalang namatay. At sa unang buwan pa lamang ngayong 2012 ay nalampasan na agad ang kabuuang bilang ng mga nakaranas ng diarrhea na isinugod sa ospital maging ang mga namatay noong nakaraang taon.

Bacteria E.coli (Escherichia coli) at kontaminasyon ng mga pagkain at inumin ang nakitang dahilan ng mga pagtatae nang karamihan sa mga pasyenteng isinugod sa ospital, kaya pinayuhan Dr. Garcia ang publiko na ugaliing maglinis ng kamay lalo kung mula sa mga palikuran. Dapat ding panatilihing malinis ang pagkain at inumin maging ang kapaligiran lalo na ang mga palikuran.

Malaking ambag din ang pabago-bagong kondisyon ng panahon sa kontaminasyon ng mga pagkain at inumin kaya dapat na pag-ibayuhin pa ng publiko ang pag-iingat.

Sa pagdedeklara naman ng diarrhea outbreak, mahirap ideklara ito sapagkat hindi nakatuon sa iisang lugar lamang ang kaso kundi watak-watak ang mga lugar na nagmula ang mga pasyente, habang sa cholera naman ay pinag-uusapan pa ng mga lokal na opisyal sa kalusugan, kasama na ang mga opisyal sa rehiyon kung idedeklara ang cholera outbreak.

Samantala, alerto ngayon ang mga Municipal Health Office at health workers sa buong Sorsogon upang mapigilan ang posibilidad nang pagtaas pa ng bilang ng mga kasong ito. Patuloy din ang pagsasagawa nila ng mga surveillance upang matukoy ang iba pang mga lugar na maaaring magpositibo rin sa cholera.

Ayon kay Dr, Garcia, pinaigting na rin nila ang anti-diarrhea/anti-cholera campaign, pagsasagawa ng chlorination sa mga tubig at pagbigay-abiso sa mga residente na pakuluan ang kanilang mga inuming-tubig at house-to-house campaign ng mga health worker sa barangay.

Humingi din siya ng suporta sa Philippine Information Agency, sa mga media, sa mga punong-ehekutibo at iba pang mga kinauukulan na tulungan sila sa pagpapalaganap ng impormasyon at pagbibigay edukasyon sa publiko ukol sa wastong pangangalaga sa kalusugan, kalinisan at pag-iingat upang maiwasan ang ganitong suliraning pangkalusugan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply